Nahuli-cam ang pagsalpok ng isang taxi sa mga concrete barriers na bumulaga sa kaniya sa EDSA-Ayala underpass. Ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sinabing ang taxi driver ang may pagkakamali.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, ipinakita ang dashcam video ng isang motorista habang tinatahak ang nasabing underpass noong madaling araw ng July 11.
Hindi nagtagal, isang taxi ang sumulpot sa kaniyang kaliwang bahagi at sumenyas na mag-o-overtake na pinagbigyan naman ng motorista.
Pero bago pa man makabalik sa tamang linya ang taxi, bumangga na siya sa mga concrete barrier na nasa gitna ng kalsada.
Ang motoristang may dashcam na si Leorido Ariguin Jr., nakapreno agad.
Nakaligtas din ang taxi driver na nakilalang si Alberto Cadelena, nagtamo lang ng bahagyang pinsala sa balikat.
“Ang suwerte na lang din po at hindi ganoon kabilis ang takbo ko,” ayon kay Ariguin Jr. na bahagyang galos lang ang tinamo.
Si MMDA EDSA Traffic Manager Colonel Bong Nebrija, ipinunto ang mga pagkakamali ni Cadelena sa pagmamaneho bagaman lumilitaw sa imbestigasyon na hindi siya lasing o nakatulog habang nagmamaneho.
“Unang-una, solid white line. You’re not supposed to overtake or change lane, no? Pangalawa, duda ko naka-dim ‘yung ilaw niya,” ayon kay Nebrija.
Idinepensa rin ni Nebrija mula sa mga puna ang mga concrete barrier sa kalsada tulad sa naturang underpass na walang early warning device o marka.
“Meron po dating ano ‘yan hazards lights together with the early warning devices. However, meron na noon dati, binunggo pa ‘yun. Ilang beses nabunggo, ilang beses na kami na siraan ng hazards lights,” paliwanag niya.
“Alam niyo naman ‘yung procurement ng gobyerno, it will take time,” dagdag niya.
Mula nang maglagay ng concrete barriers sa EDSA noong June 2020, nakapagtala ang MMDA ng halos 100 aksidente ng pagbangga sa mga harang na bato sa bawat buwan.
Pero unti-unti na raw itong nabawasan nang masanay na ang mga tao. Katunayan nitong nakaraang buwan, 28 aksidente lang ang naitala, at mula July 1 hanggang July 12 ay walo lang.
“Our safety is our personal responsibility. Meron po talaga tayong mga barriers and other objects on the road that we need to avoid. Ngayon, we need to check ourselves if we are fit to drive, and we cannot blame inanimate objects for accidents like this,” paalala ni Nebrija.
Posible raw na maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in damage to property ang taxi driver.--FRJ, GMA News