Nahaharap sa kaso si Dua Lipa matapos siyang magbahagi ng kaniyang litrato sa Instagram na kuha ng isang paparazzi.

Sa ulat ng State of the Nation, sinabing nakasaad sa mga dokumento ng US court na walang permiso si Dua Lipa mula sa photographer na i-post ang kaniyang litrato.

Sinabi ng kompanyang Integral Images na kumita ang British pop star mula sa kaniyang pag-post sa naturang social media app.

Sa ilalim ng copyright law, pagmamay-ari ng photographer ang larawan at hindi sa kinunang artist.

Binura na ang larawang kinunan noong Pebrero 2019 sa airport kung saan nakapila si Dua Lipa na hawak ang kaniyang ticket at passport habang may suot na oversized hat.

Pinagbabayad ang singer ng $150,000 o katumbas ng mahigit P7.5 milyon.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Dua Lipa.

Bago nito, dati na ring naharap sa mga katulad na reklamo sina Jennifer Lopez, Liam Hemsworth, Ariana Grande at Justin Bieber.--Jamil Santos/FRJ, GMA News