May panibagong banat si Pangulong Rodrigo Duterte kay Senador Manny Pacquiao, na nagsabing lumala ang katiwalian sa kasalukuyang pamahalaan.
Sa talumpati ni Duterte sa pagpapasinaya ng LRT 2 East Extension Project nitong Huwebes, sinabi niya na dapat magtrabaho si Pacquiao bilang mambabatas at huwag palaging lumiliban.
“Bakit ngayon ka lang nagsalita at bakit umatras ka dun sa boxing fight? Kasi alam mo 'pag matalo ka, you are a goner. Those are your inconsistencies,” anang Punong Ehekutibo.
“Sit in Congress, finish and find out corruption. If not, you are a shit. A shit is a shit. Magtrabaho ka, do not go elsewhere... 'Wag kang pa-absent-absent," dagdag pa ng pangulo.
Una rito, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque Jr., na maling taktika ang ginawang pag-atake ni Pacquiao kay Duterte.
Kabilang ang pangalan ni Pacquiao sa mga lumulutang na posibleng tumakbong pangulo sa 2022 elections.
“Pulitika po iyan ‘no, eh alam naman nating lahat gustong tumakbo ng presidente ni Senator Pacquiao. Sa akin po, hindi tamang istratehiya iyan kasi napakatagal naman pong nagsama si Senator Pacquiao at ni Presidente,” ani Roque.
Dagdag pa niya, “Paulit-ulit ko nga pong sinasabi eh ‘no, binanggit na ni Presidente isa sa tatlo na posible sana niya noon na i-endorso for president is Senator Manny Pacquiao, hindi ko po alam kung bakit hindi nakapaghintay si Senator Manny Pacquiao.” —FRJ, GMA News