Ginawa ng isang anak ang lahat ng kaniyang makakaya para mapagaling ang kaniyang ina na tinamaan ng COVID-19.  Ang masaklap, hindi naisalba ang buhay ng kaniyang ina at nabaon pa sila sa utang dahil umabot sa P3.3 milyon ang kanilang  bayarin sa ospital.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa "Reporter's Notebook," sinabing sa isang pampublikong ospital muna dinala ng anak na si Cristina ang kaniyang inang si Francisca, na tinamaan ng COVID-19.

Batid kasi ni Cristina na mas malaking problema sa gastusin kung sa pribadong ospital niya dadalhin ang kaniyang nanay.

WATCHDennis Padilla, aminadong prinoblema rin ang bayarin sa ospital nang tamaan ng COVID-19

Pero dahil malala ang kondisyon ng kaniyang ina, pinayuhan siya ng pampublikong ospital na makabubuting ilipat sa mas malaking ospital at may sapat na kagamitan ang kaniyang ina.

Kaya walang nagawa si Cristina kung hindi ilipat ang kaniyang ina sa isang pribadong ospital. Dahil nasa isipan niya ang bayarin, plano niyang ilagay lang sa "ward" ang kaniyang ina para makalalapit pa rin sila sa mga ahensiya ng pamahalaan sakaling hindi nila kayanin ang gastusin.

Subalit nang suriin na ang kalagayan ng ina sa pribadong ospital, mas lumubha na ang kondisyon ng pasyente kaya inilagay agad si Francisca sa Intensive Care Unit, na mas malaki ang gastusin.

Inilagay din si nanay Francisca sa Critical Care Unit.

Ang kabuuan ng kanilang hospital bill, umabot sa P3.3 milyon.

Ang masaklap pa, binawian din ng buhay si nanay Francisca.

Sa panahon ng gamutan, nag-online fundraising o online limos si Cristina. Ang mga nalikom na pondo ang ginamit niyang pangdeposito sa ospital.

Tumutulong din sa gastusin ang kapatid ng kaniyang ina na isang factory worker sa ibang bansa, na hindi rin naman kalakihan ang sahod.

Ngunit sa kabila nito, hindi pa rin sapat ang kanilang ipon para sa P3.3 milyon na bayarin.

"Bakit lahat matatanong mo? Kasi lahat ginawa mo, lahat ginawa niya, pero walang nangyari. Ang ano du'n..., baon ka pa sa utang," malungkot niyang pahayag.

Dahil senior citizen si nanay Francisca, nakakuha sila ng discount na mahigit P600,000 kaya bumaba ang kanilang total bill sa P2.1 milyon.

At para mailabas ang katawan ng ina, nag-promissory note si Cristina na mangangakong babayaran nila ang balanse sa ospital.

Pero habang hindi nila nababayaran ang balanse, hindi sila makakakuha ng kopya ng death certificate ng ina.

Nang magsimula ng COVID-19 pandemic, sinasagot noon ng PhilHealth ang lahat ng gastusin ng mga tinatamaan ng virus. Pero bakit nga ba ito binago ng ahensiya at magkano na lang ang sinasagot ng PhilHealth?

Panoorin ang kabuuang pagtalakay sa video tungkol sa usaping ito na problema ng maraming nahaharap sa krisis na dulot ng COVID-19.

--FRJ, GMA News