Desidido ang may-ari ng aso na napatay sa Malolos, Bulacan, na sampahan ng kaso ang dalawang lalaki na nahuli-cam pinagpapalo ang kaniyang alaga. Ang mga suspek, inihayag na limang manok na nila ang napatay ng naturang aso sa tatlong pagkakataon.
Sa ulat ni Jamie Santos sa GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, nagkaharap sa barangay hall ng may-ari ng aso na si Nicka Arejola, at ang dalawang lalaking nakunan sa video na sina Christopher Enriquez at Julius Mendoza.
Sa pagdinig, napaiyak si Arejola nang maalala niya ang sinapit ng alaga niyang asong Husky na si Evelyn.
"Halos ibinigay niya na lang 'yung sarili niya doon sa mga pumalo sa kaniya para matigil na lang 'yung paghahabol sa kaniya," sabi ni Arejola.
Paliwanag pa niya, nakawala ang kaniyang pero iniulat naman agad nila ito sa barangay. Pero laking gulat nila nang mabalitaan may pinatay na aso sa kabilang kalsada.
"Hindi po namin alam kung nasaan si Eve, hindi po namin alam kung buhay. Kinaladkad po nila 'yung aso namin hanggang sa hindi na po namin nakita," sabi ni Arejola.
Hindi itinanggi nina Enriquez at Mendoza ang ginawa nila sa aso pero nagawa raw nila iyon dahil sa galit.
Pinapatay daw kasi ng aso ang mga alaga nilang manok.
"Ayon kay ginoong Christopher Enriquez, pangatlong beses nang pumatay sa kanilang limang manok ang nasabing aso," saad ng isang barangay official.
Humingi naman ng paumanhin sina Enriquez sa mga nakapanood ng video.
"Sa amin kasi, dala lang ng bugso ng galit namin kaya nagawa namin 'yun. Nadala kami sa galit namin, pero meron kaming picture ng mga manok na kinain ng aso niya," sabi ni Enriquez.
"Kasi mga matagal na rin po nilang alaga 'yung mga manok na 'yun. Kaya humihingi po talaga kami ng public apology sa lahat po ng nakapanood nito," sabi ni ni Laarni Enriquez, misis ni Enriquez.
Gayunman, hindi raw makikipagkasundo si Arejola sa mga pumatay sa aso niya.
"Alam ko po itong ebidensya namin sapat na po ito para patunayan na may cruelty pong naganap. Hindi po namin ito ipapa-settle, hindi po namin ito papalampasin lang. Gusto po namin talaga na mabigyan po ng hustisya 'yung aso namin to the full extent of the law," sabi ni Arejola.
Maaaring maparusahan ng dalawa mula anim na buwan hanggang dalawang taong pagkakakulong ang mga lalaki sa ilalim ng Animal Welfare Act.--Jamil Santos/FRJ, GMA News