Nagbigay ng payo si Andrea Torres sa mga tao na nakaranas ng heartbreak at ibinahagi niya ang kaniyang sikreto para maka-move on.
Sa Kapuso ArtisTambayan, isang netizen na nakipaghiwalay sa kaniyang boyfriend ng limang taon ang humingi ng payo dahil hirap siyang kalimutan ang kanilang memories.
"Ang importante talaga diyan, kailangan mo siyempre i-embrace 'yung process. Proseso 'yan 'di ba? At ang una doon, kailangan may acceptance ka. Once na-accept mo at na-reflect mo 'yung nangyari sa relasyon, makuha mo 'yung learnings doon sa relasyon, then puwede ka nang mag-move on," payo ni Andrea na isa sa leading ladies sa "Legal Wives."
"Kailangan mong tulungan 'yung sarili mo. Kailangan mas mag-focus ka doon sa positive. Huwag kang mag-focus sa, 'Ay hindi nag-work,'" sabi pa ni Andrea.
"Mas isipin mo na 'Ah, kaya ito nangyari kasi mayroon itong magagawa for me, it's for my growth. May mas malaking plano pa diyan, may mangyayari pang maganda sa akin. Gano'n dapat ang mindset mo," patuloy niya.
Matatandaang nanggaling din si Andrea sa breakup nang tapusin nila ni Derek Ramsay ang kanilang relasyon noong nakaraang taon.
Para naman kay Dennis Trillo, na leading man sa "Legal Wives," sinabi niyang kailangan nang gumawa ng isang tao ng mga bagong alaala.
"Kalimutan na niya 'yung mga lumang memories na 'yon at gumawa siya ng mga bago. Dahil kung binabalik-balikan lang niya 'yung mga masasakit na alaala na 'yun, walang mangyayari sa kaniya," paliwanag ng aktor.
"Nandoon lang siya sa estado niya na 'yun, hindi siya makaka-move on. Ang payo ko sa kaniya, maghanap na siya ng iba, gumawa siya ng bagong memories tapos kalimutan na niya 'yung mga luma na 'yun kasi tapos na 'yun," saad ng Kapuso actor.
Sinabi naman ni Bianca Umali, na isa pang leading lady sa serye, na hindi dapat hayaan ng tao na malugmok sa sitwasyon.
"A reminder is that it's okay not to be okay. Tama na we should respect the process and do not stay there. Huwag mong hayaan 'yung sarili mo na malugmok ka sa kalungkutan at huwag na huwag mong iisipin na ikaw ang problema. Love yourself, move on and be happy because life goes on," sabi ni Bianca.
Mahalaga naman para kay Alice Dixson, isa rin sa gaganap na misis ni Dennis sa serye, na dapat bigyan ng isang tao ang kaniyang sarili ng panahon.
"Sabi kasi ng friend ko, it takes one to forget one. But the thing is, when you do that, hindi mo binibigyan ang puso mo ng time to heal and also to recover and become whole again. Usually kasi sobra na 'yung binibigay mo doon sa loved one mo and siyempre if he does not reciprocate, you feel empty inside," sabi ni Alice.
"I think the best thing is to find other things na puwede mong pagkaabalahan. Educate yourself, hangout with your friends, do things that you enjoy to make yourself happy. And then when you least expect it, darating 'yung prince charming mo," dagdag ni Alice.
Ang "Legal Wives" ay tungkol sa kultura ng mga Muslim, at kabilang dito ang pagpapahintulot sa mga lalaki na magkaroon ng higit sa isang asawa.
Gumaganap si Dennis bilang si Ishmael, na ikinasal kina Amirah (Alice), Diane (Andrea), at Farrah (Bianca).--FRJ, GMA News