Hindi sumang-ayon si Senador Manny Pacquiao sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang alam tungkol sa foreign policy matapos niyang punahin noon ang posisyon ng Punong Ehekutibo sa usapin ng West Philippine Sea.
“I respect the President’s opinion but humbly disagree with his assessment of my understanding of foreign policy. I am a Filipino voicing out what needs to be said in defense of what has been adjudicated as rightfully ours,” sabi ni Pacquiao sa isang pahayag nitong Miyerkules.
Idinagdag ni Pacquiao na maaaring nabigyan ng maling impormasyon si Duterte nang magsabi siyang "nakukulangan" siya sa paninindigan ng pangulo sa ginagawang panghihimasok ng China sa WPS.
“I regret that the President was misinformed regarding my statement on the West Philippine Sea Issue. I firmly believe that my statement reflects the sentiment of majority of the Filipinos, that we should stand strong in protecting our sovereign rights while pursuing a peaceful and diplomatic solution to the dispute,” patulong ng fighting senator.
Sa panayam ni Pastor Apollo Quiboloy sa Davao City nitong Martes, sinabi Duterte na walang alam si Pacquiao sa foreign policy dahil sa naging pahayag nito sa kaniyang posisyon sa usapin ng WPS.
“It’s about foreign policy. I would not want to degrade him but next time he should, mag-aral ka muna nang husto," patungkol ni Duterte kay Pacquiao, na kapwa niya opisyal sa PDP-Laban.
Nitong nakaraang Mayo, inihayag ni Pacquiao na nakukulangan siya sa posisyon ng Punong Ehekutibo sa usapin ng WPS kumpara sa mga sinabi niya noong panahon ng kampanya.
“Sa akin nakukulangan ako doon sa kumpara doon sa bago pa siya tumakbo, mag-e-eleksyon pa lang. Dapat ipagpatuloy n’ya ‘yun para magkaroon din ng respeto sa atin ang China,” sabi ni Pacquiao sa isang panayam.
Ang tinutukoy ni Pacquiao ay ang pahayag ni Duterte noong kampanya na sasakay siya sa jet ski at itatayo ang watawat ng Pilipinas sa teritoryo ng bansa sa WPS.
Pero sinabi ni Duterte kamakailan na biro lang at bahagi ng pangangampanya ang kaniyang sinabi.
Si Pacquiao ang acting president ng PDP-Laban habang chairman naman ng partido si Duterte.— FRJ, GMA News