Buhay ang naging kapalit sa pagdayo ng isang lalaki sa barangay ng mga lalaking sisingilin niya dapat ng P1,000 panalo sa pusta umano sa karera ng mga kalapati sa Maynila.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV ng Barangay 767 sa San Andres Bukid, Maynila, na pinagtulungan sa harap ng maraming tao at pinatay sa saksak ng apat na lalaki ang biktimang si Kenneth Pagulayan, 30-anyos.
Nagawa pa ni Pagulayan na makatakbo pero nadapa siya kaya inabutan ng mga salarin at pinagtulungang saksakin ng apat na beses sa likod.
Sa imbestigasyon ng Manila Police District, lumilitaw na pustahan sa karera ng kalapati ang nakikita nilang motibo sa likod ng naturang krimen.
"Lumalabas na nanalo sa pustahan itong si Kennth pero hindi yata siya binayaran doon sa pinagkasunduan nilang pusta," ayon kay Police Captain Henry Navarro, hepe ng MPD, Homicide Section.
"Ayon doon sa isa sa mga suspek na natalo din sa pusta, na kung gustong makuha ni Kenneth yung kaniyang panalo ay siya ang pumunta doon sa lugar ng mga suspek," dagdag pa niya.
Tinatayang P1,000 umano ang sisingilin ng biktima sa mga suspek kaya dumayo siya sa lugar ng mga ito na nasa kabilang barangay.
Hinahanap ng mga awtoridad ang cellphone ng biktima para malaman ang naging pag-uusap ng biktima at mga suspek.
Pinaghahanap pa ang mga salarin at hindi pa nakikita ang patalim na ginamit sa pagpatay sa biktima.
Gayunman, tukoy na ng pulisya ang pagkakakilalanlan sa mga salarin na nasa edad 20 hanggang 30.
Ngunit kahit nangyari ang krimen sa harap ng maraming tao, wala umanong saksi na nais magbigay ng pahayag na maaaring dala ng takot sa mga salarin.
Ayon sa barangay, kilalang pasaway ang mga suspek sa kanilang lugar. Nasa drug watchlist din umano ang salarin na nakita sa video na may hawak ng patalim.
Tumanggi naman ang pamilya ng biktima na magbigay ng pahayag, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News