Sinampahan ng reklamong two counts of acts of lasciviousness at aggravated physical injuries ang aktor na si Tony Labrusca sa piskalya ng Makati City nitong Biyernes. Ang abogado ng aktor, hiniling na huwag agad husgahan ang kaniyang kliyente.
Sa pahayag, ang mga reklamo ay kaugnay sa nangyaring insidente umano noong Enero 16, na isang babae ang sinasabing minolestiya ng aktor at may sinakal na isang lalaki.
Sinabi ng biktimang babae na dalawang ulit siyang minolestiya ni Tony nang ibaba umano ng aktor ang kaniyang spaghetti straps hanggang sa kaniyang dibdib at pilit siyang pinaupo sa kandungan nito.
Ang biktima ay kaibigan umano ng negosyanteng si Drake Dustin Ibay, na testigo sa kaso.
Nagsampa rin ng reklamo ang kapatid ni Ibay na sinakal umano ni Tony.
Ayon kay Atty. Regie Tongol, abogado ng mga nagrereklamo, apat na saksi ang nakakita kay Tony na, "to have actively sought alcohol to embolden himself.”
“[T]hat is why the charges were aggravated by his intentional intoxication,” sabi ni Tongol sa hiwalay na pahayag.
Sinabi pa ni Tongon, na bilang isang dayuhan at public figure, dapat hindi nang-aabuso ng kababaihan ang aktor.
“My clients hope that this case would encourage women and anyone who have been victims of abuses by public figures… to not be afraid to stand up and be heard,” pahayag ni Tongol.
Samantala, sinabi ng abogado ni Tony na si Atty. Joji Alonso, na nakarating na sa kanila ang impormasyon tungkol sa reklamo.
Gayunman, hindi pa raw sila nakatatanggap ng kopya complaint-affidavits kaya hindi muna sila makapagbibigay ng komento.
"We call the public to be mindful of casting judgment based on mere allegations and unfounded claims," saad Alonso sa Instagram post. — FRJ, GMA News