Ang pagkakaloob sa Diyos ay may kalakip na pag-ibig at sakripisyo (Marcos 12:38-44).
Sino kaya sa tingin niyo ang higit na kalulugdan ng ating Panginoong Diyos? Ang taong sikat o kilala na nagkaloob ng tulong para sa mga mahihirap pero kinukunan siya ng litrato at video? O ang isang karaniwang tao na nagbigay din ng kaniyang tulong ngunit ayaw ipabanggit ang kaniyang pangalan?
Ganito ang tema ng ating Mabuting Balita (Marcos 12:38-44) patungkol sa ating pagbibigay o pagkakaloob ng mga bagay para sa ating kapuwa at maging sa ating Panginoon.
Sa ating Ebanghelyo, napansin ni Hesus na maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga sa loob ng Templo. Ngunit napansin din Niya na lumapit ang isang biyudang dukha at naghulog ng dalawang salaping tanso sa hulugan ng mga kaloob. (Marcos 12:41-42)
Pagkatapos, winika ni Hesus na ang inihandog ng nasabing biyuda ay higit na marami kaysa sa inihulog ng mga mayayaman. (Marcos 12:43)
Ang mga mayayaman sa ating Pagbasa ay nagbigay ng kung ano lamang ang sobra sa kanilang bulsa o mga baryang hindi na nila kailangan.
Ibigay man nila ang pinakamarami sa mga baryang ito, hindi ito magiging mabigat o kawalan para sa kanila dahil may naitabi na sila na higit na malaki kumpara sa kanilang ipinagkakaloob sa Templo.
Kaya tinuran ng ating Panginoong HesuKristo na higit na marami ang ibinigay ng babaeng biyuda sapagkat ang kaniyang ipinagkaloob ay hindi lamang simpleng salaping tanso, sa halip ang ibinigay ng babae ay ang kaniyang buong puso, pag-ibig at sakripisyo para sa Templo.
Ang pagbibigay ng nasabing babae ay mayroong kalakip na pag-ibig at sakripisyo. Samantalang ang paraan ng pagbibigay naman ng mga mayayaman ay kung ano lamang ang gusto nilang ipagkaloob.
Para lamang masabi na nagbigay sila, kahit hindi bukal sa kanilang puso ang pagkakaloob ay parang balewala na lamang sa kanila. Ngunit ito ay ibang-iba sa paraan ng pagkakaloob ng babaeng balo.
Sa ating kasalukuyang sitwasyon, may ilan din sa atin ang katulad ng mga mayayaman sa ating Ebanghelyo. Sapagkat ang ibinibigay nila para sa Panginoong Diyos ay kung ano lamang ang hindi na nila kailangan o mga bagay na sobra sa kanilang pag-aari.
Gaya halimbawa ng ilan sa atin na kaya lamang naiisipang nagsisimba ay dahil wala silang magawa o naiinip lamang sa bahay. May nagsisimba dahil mayroon silang hihilingin sa Diyos, o kaya naman ay mayroon silang mabigat na problema na nais idulog sa Panginoon.
Hindi prayoridad sa iba ang pagpunta sa Simbahan dahil ang dahilan nila ay marami silang ginagawa kaya hindi nila magawang bumisita sa tahanan ng Diyos kahit sumilip man lamang.
Subalit ang biyudang babaeng dukha ay maihahalintulad sa mga taong naglalaan talaga ng oras, panahon at nagsasakripisyo para sa Panginoong Diyos. Nagsisikap na unahin ang makapagsimba bago ang ibang gawain.
Inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo na ang ibigay natin para sa Panginoong Diyos ay kung ano ang pinakamabuti at hindi ang mga bagay na tira-tira na lamang.
Manalangin Tayo: Panginoon, nawa'y matutunan namin ang maglaan ng oras at panahon para sa Iyo. Ibigay nawa namin ang pinakamabuti para sa Iyo at huwag ang mga labis at sobra lamang sa aming pag-aari. AMEN.
--FRJ, GMA News