Dahil sa Russian Civil War noong 1917, inusig at tumakas sa kanilang bansa ang mga tinatawag na "White Russians," na tutol noon sa pamumuno ni Vladimir Lenin.
Pero mula sa China kung saan sila unang napadpad, kinailangan nilang umalis muli para takasan ang sasalakay na "Red Army," at ang bansang Pilipinas ang kanilang naging kanlungan.
Tumagal ng may 30 taon ang pananatili ng "White Russian" sa Shanghai, China, hanggang sa napilitan silang lisanin ang lugar para muling takasan ang pag-usig sa kanila ng mga kababayan, ayon sa special report ni Atom Araullo sa "State of the Nation."
Walang ibang bansa na handang tumanggap sa kanila noong 1949 maliban sa Pilipinas na pinamumunuan noon ni Pangulong Elpidio Quirino.
Ang isla ng Tubabao sa Guiuan sa Eastern Samar ang naging paraiso sa mga White Russian, kung saan mapayapa silang namuhay kasama ang mga Pinoy.
Hindi naman naging balakid ang magkaibang lengguwahe ng mga Ruso at Pinoy para makabuo sila ng magandang pagkakaibigan.
Sariwa pa sa alaala ni Fidel Delleva, residente sa Guiuan at 11-anyos lang noon, nang humingi ng tulong ang isang babaeng Ruso sa kaniyang ama para kumuha ng buko.
Sa tuwing kailangan ng buko ang mga Russian refugee, ang kaniyang ama ang laging nilalapitan.
Nasaksihan naman ni Basilia Tan, dating miyembro ng choir, kung papaano namuhay ng normal ang mga Russian sa isla.
"The Russians, they were very talented artists and musicians. They had their symphony orchestra that played our national anthem," kuwento niya.
Ang researcher na si Kinna Kwan, sinabing isa sa mga naipamana ng mga White Russian refugees sa mga residente sa lugar ay ang pagbabahagi nila ng kanilang sining at kultura.
Marami umanong lokal na residente sa Guiuan ang natutong tumugtog ng piano, magsayaw ng ballet, at kumanta ng opera.
Ang isang Ruso na nanirahan sa isla, itinuring na bakasyon ang pananatili niya sa Pilipinas dahil sa magagandang alaala na tumanim sa kaniyang isipan.
"When I came to Tubabao, I was about seven years old. And what I remember, the country was very lush with the greenery. But the children, they all had fun, running down, going swimming... I no longer remember the hard times, because that's what children do," sabi ni Leo Zakharoff, dating White Russian refugee.
Ayon kay Kwan, ang pagtanggap ng Pilipinas sa White Russians ay nagpapakita ng kahandaan ng ating bansa na protektahan at magkaloob ng lunas sa mga refugee.
Pagkaraan ng dalawang taon, nagbukas na rin ang iba pang bansa, tulad ng Amerika, para magbigay ng permanenteng tirahan para sa kanila.—FRJ, GMA News