Sinabi ni Dr. Jose Rizal na "Ang kabataan ang pag-asa ng bayan." Pero lumabas sa pag-aaral ng Programme for International Student Assessment (PISA) na kulelat ang mga kabataan sa Pilipinas pagdating sa pagtukoy ng mga phishing e-mail. Bakit nga ba tila madaling mapaniwala ang mga kabataang Pinoy sa mga scam o fake news na nakikita sa internet?
Sa ulat ni Nico Waje sa "Stand For Truth," sinabing lumabas sa isang pag-aaral ng PISA noong 2018 na pang-76 ang mga 15-anyos na kabataan sa Pilipinas pagdating sa pagsala ng mga phising e-mail, sa 79 na kalahok na bansa. Kasama ng bansa sa dulo ang Baku (Azerbaijan), Thailand at Indonesia.
Samantalang nanguna naman ang United Kingdom, Japan at Germany, na mga hindi nag-fill up ng pekeng form para manalo ng smartphone.
Dagdag pa ng PISA, lumabas sa kanilang pag-aaral na 41% sa mga estudyante mula sa mayayamang bansa, kabilang ang may highest score ang tinuturuan kung paano maka-detect ng phishing at spam e-mails.
Ayon kay Professor Danilo Arao ng Department of Journalism sa University of the Philippines Diliman, na ang aspekto ng pekeng balita at media education ay hindi masyadong natutugunan ng K-12 program.
Mas tinututukan daw kasi sa naturang aralin ang skills ng mga estudyante tulad ng information technology.
Ayon naman sa clinical psychologist na si Dr. Joseph Francisco, mayroon nang cognition ang mga nasa edad 15-anyos, pero kailangan pa ring mahubog ang kanilang competence para mag-discern o evaluate.
"Nakakapag-think na sila critically, kaya lang dahil nga sa mga ganitong klaseng mga pangyayari, sa kanilang nakikita, madali silang ma-attract. Magkakaroon ng tinatawag na hijacking sa kanilang pag-iisip kasi 'yung management ng kanilang emotions, hindi pa ganoon ka-develop," sabi ni Dr. Francisco.
"So kapag ang tingin nila is para bang nag-a-appeal sa damdamin nila, madali silang ma-attract so minsan napagkakamalan nilang totoo 'yon kahit na maaaring fake," dagdag ni Francisco.
Ayon naman sa ulat, marami ngayon ang nasa ilalim ng konteksto ng tribalism, kung saan mas gusto ng mga tao na pakinggan at unawain ang mga ideya at opinyon ng mga ka-tribo nila o kapareho nila ng paniniwala at pag-iisip.
Panoorin sa "Stand For Truth" ang buong talakayan sa isyu at alamin ang ilang paraan kung paano makaiiwas sa "fake news."--FRJ, GMA News