Naging proyekto ng isang estudyante ang isang bangka na gawa sa plastic bottles para makatulong umano na mabawasan ang problema ng mga basura sa karagatan.
Sa ulat ni Athena Imperial sa GTV "Balitanghali" nitong Martes, makikita sa video ng Project Blue Ilocos ang pagsasagwan ng tatlong lalaki sa bangkang gawa sa plastic bottles.
Konsepto ito ni Adem Inovejas, 19-anyos na second year mechanical engineering student mula sa De La Salle University at founder ng Project Blue Ilocos.
Ayon kay Inovejas, naisip niya ito dahil sa dami ng nakikita niyang kalat sa dagat at dalampasigan.
"Most of these trash are plastics and single-use plastics. So nu'ng February, I made it my goal for the month to come up with a project na gagamit ng mga basura na ito. I came across a similar project by Sungai Watch and Madiba and Nature, mga non-profit sa Indonesia and Africa. Sabi ko I want to do this sa Ilocos," sabi ni Inovejas.
Nag-research at nag-design si Inovejas ng bangkang gawa sa PET bottles bilang pagtulong sa pag-recycle ng plastic.
Nasa 300 piraso ng mga plastic bottles ang nagamit niya para sa proyekto. At tulad ng PET bottles, dapat na lightweight ang frame ng bangka kaya gumamit sila ng kawayan.
Apat hanggang anim na tao ang kayang isakay ng bangka na may average weight na 65 kilos.
Sinabi ni Inovejas na balak niya rin itong ipasubok sa mga mangingisda para malaman niya kung paano pa ito mas makatutulong sa kanilang hanapbuhay.
Posible rin umano itong magagamit sa mga lugar na madalas bahain.
Sinabi ng UN Environment Program na pangatlo ang Pilipinas sa largest contributor ng plastic pollution sa buong mundo.
Sinabing nanggaling sa Pilipinas ang 0.28 hanggang 0.75 milyong tonelada ng plastic kada taon na napupunta sa mga karagatan.--Jamil Santos/FRJ, GMA News