Marami ang naghihintay sa full moon tulad ng nagdaang Blood Supermoon Lunar Eclipse dahil sa magandang hitsura ng buwan. Pero ang ilang residente sa isang isla sa Surigao del Norte, may kasama itong pangamba dahil ito umano ang panahon na mas malakas ang "lilo" o whirlpool sa kanilang dagat.
Nakamamanghang pagmasdan ang lilo na madalas mangyari sa bahagi ng karagatan sa Barangay Bitaugan sa Surigao City.
Mula sa payapang tubig, makikita na biglang nagiging bayolente ang tubig hanggang sa mabuo ang mga lilo.
Ilang residente na umano ang nasawi dahil sa lilo, na mas malakas umano kapag full moon at isang araw makalipas nito.
Kaya nitong nakaraang Blood Supermoon Lunar Eclipse, nagtungo ang team ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" sa lugar upang personal na masaksihan ang pambihirang galaw ng dagat na kanilang nahuli-cam.
May kinalaman nga ba ang buwan sa lilo? Panoorin ang video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News