Inihayag ni Megastar Sharon Cuneta ang dahilan ng paglipad niya papuntang Los Angeles, California.
Sa Instagram live session na kasama ang mister na si Sen. Kiko Pangilinan, sinabi ng aktres na kasama sana siya sa all-Filipino cast na Hollywood movie na pagbibidahan ng komedyanteng si Jo Koy, at si Steven Spielberg ang producer.
Pero napurnada ito dahil sa “false positive” COVID-19 test result sa kaniya.
Kuwento ni Sharon, supportive na tiyahin ang role dapat niya sa karakter ni Jo Koy.
“I was coming to Hollywood to do my first Hollywood film, not for any platform, not for Netflix, but for cinematic release with premieres all over,” saad ni Sharon.
“Produced by Dan Lin who made ‘Aladdin,’ and the big boss, the one and only Steven Spielberg, the very first all-Filipino cast [that] I was so honored to be chosen to be part of.”
Dahil legal resident siya sa Amerika, lilipad sana siya L.A. sa May 18 at lilipat naman sa Canada sa susunod na araw kung saan gagawin ang shooting ng pelikula.
“What happened was before you get on a flight, you need to get a COVID test at least 3 days before your flight. I was flying out May 18. On May 16 I got swabbed by one laboratory. I cannot find it in my heart to forgive,” ani Sharon.
“I was so happy. Naka-pack na kami and I was going to announce to you the very next day,” naiiyak pa niyang sabi.
Pero gumuho ang mundo niya nang sabihan siyang "positive" ang resulta ng COVID-19 test.
Dahil gipit ang araw ng shooting, itinuloy ang produksiyon na hindi na kasama si Sharon.
“It was heart-wrenching for me. Literally nanlambot ako para ako nalula,” pahayag ng aktres.
Nagsagawa uli siya ng COVID-19 tests ng pitong beses sa iba't ibang laboratoryo at "negative" naman umano ang resulta.
“After that supposed positive test, all the seven different labs tested me negative,” kuwento ni Sharon. “That’s why I was so depressed. It was false positive and seven trusted labs tested me negative.”
“Nawalan ako ng malaking oportunidad na ’di na mababalik sa akin. Kahit gusto nila Jo Koy at director na nandoon pa rin ako, wala silang choice na ituloy ’yung movie,” patuloy niya.
Napunta umano ang role niya sa Fil-Am actress na si Tia Carrere.
“When I couldn’t make it, she got the other lead role. It broke my heart. It really did because it was such an honor to be part of the very first all-Filipino production in Hollywood backed by a producer as big as Steven Spielberg,” lahad ni Sharon.
“I felt like dala-dala naming lahat ’yung bandila ng Pilipinas in the middle of all this Asian hate in America and some parts of the world ... ’yun ang kina-break ng puso ko and pinabayaan [hinayaan] ako ni Kiko magluksa,” sabi pa niya.
Dahil sa matinding lungkot, nagpasya si Sharon na bumiyahe pa rin sa America.
“Hindi na maibabalik sa ’kin ’yung oportunidad dahil lang sa isang pagkakamali sa COVID test kasi seven labs against one. Siguro naman tama ’yung seven,” patuloy niya.
Sa kabila ng kabiguan, nagkaroon naman daw siya ng pagkakataon na makapag-audition kaya mananatili muna siya sa Amerika.
“The good news is my manager hasn’t stopped. I have Zoom meetings left and right, auditions left and right. That’s why I’m here because now people here know I am accessible and I am available,” ani Sharon. “Don’t worry because I still have commitments at home.”
Idinagdag ng aktres na plano nila ng kaniyang manager na magtayo ng sarili nilang production company sa US.– FRJ, GMA News