Paano mo nga ba ginugugol ang iyong buhay dito sa mundo para ikaw ay makapamunga katulad ng isang puno?
Sa ating Mabuting Balita (Marcos 11:12-14), mababasa natin ang kuwento tungkol sa isang puno ng Igos na nakita ng ating Panginoong Hesus nang sila ay pabalik na mula sa Bethania, kasama ang Kaniyang mga Alagad.
Nakita ni Hesus mula sa di-kalayuan ang isang puno ng Igos at ito'y Kaniyang nilapitan upang tingnan kung ito'y may bunga.
Ngunit wala Siyang nakitang bunga kundi mga dahon lamang. Kaya't winika ni Hesus sa puno na: "Wala nang makakakain pa ng iyong bunga". (Marcos 11:14).
Tayong lahat na nilikha ng ating Panginoong Diyos ay katulad din sa isang puno na dapat magkaroon ng mabuting bunga. Ngunit ang mga bunga ay hindi lang dapat na para sa pansarili kundi para rin sa ating kapuwa.
Maaaring ang maging bunga sa ating mga tao ay sa pamamagitan ng talento, kakayahan, kapasidad at talino na ipinagkaloob din sa atin ng Panginoon.
Ang mga bunga na ito ay mabuti na nararapat lang na maibahagi natin sa iba. Pero anong silbi natin kung para tayong puno ng Igos na isinasaad sa Ebanghelyo na walang bunga?
Gaya ng puno ng Igos, isang araw ay maaaring dumaan sa atin ang Panginoon at tingnan ang ating bunga. Baka wala rin Siyang makita ay sabihan Niya na: "Wala nang makakakain pa ng iyong bunga."
Kinabukasan pagbalik nina Hesus sa lugar na kinatitirikan ng puno ng Igos, nakita ito ng Kaniyang mga alagad na biglang natuyot hanggang sa ugat.
Ang Ebanghelyo ay nag-aanyaya sa atin upang baguhin ang ating pananaw sa buhay na maging isang puno tayo na hindi lang malago ang palamuting dahon kung hindi magkaroon din ng mabuting bunga na maaaring ibahagi sa ating kapuwa.
Manalangin Tayo: Panginoon naming Hesus, tulungan Mo po kaming maging mabuting bunga at maging kapaki-pakinabang sa aming kapuwa gaya ng isang puno. AMEN.
--FRJ, GMA News