Isa nang refugee sa Amerika si Miss Universe Myanmar 2020 Candy Thuzar at nakakuha na ng trabaho bilang isang model.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing kinupkop si Candy ng Chin community sa Indianapolis sa Amerika, pagkatapos ang Miss Universe pageant.

Tinulungan si Miss Myanmar na makakuha ng asylum, at magtatrabaho na siya bilang model sa New York City.

Matatandaang hindi makauwi si Candy sa Myanmar dahil sa warrant of arrest na inihain laban sa kaniya.

Bago nito, naging matapang si Candy na magpahayag sa social media ng kanilang saloobin tungkol sa nangyayari sa kanilang bansa na nasa ilalim ngayon ng pamumuno ng militar.

Sumasali rin sa mga kilos-protesta.

Tumakas lamang siya sa kaniyang bansa para makasali sa Miss Universe pageant.

Umabot sa Top 21 si Candy at nakuha ang Best National Costume, na sinamahan niya ng powerful message tungkol sa sitwasyon sa kanilang bansa.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News