Sa programang "Share Ko Lang," ikinuwento ni Empoy Marquez ang ilan sa mga pagsubok na dumaan sa kaniya bilang isang komedyante. Kabilang ang pagkamatay ng kaniyang lola bago siya mag-perform sa stage.
Ayon kay Empoy, nakasama siya noon bilang special guest sa pagdiriwang ng kaarawan ni "Megastar" Sharon Cuneta.
Pero bago ang kaniyang performance, tumawag ang kaniyang pinsan para ibalita ang kalagayan ng kaniyang lola na naka-ICU noon sa ospital.
"After mga one minute na kinakausap ko siya, ipapasa na niya yata kay Inang 'yung telepono para kausapin po ako, ipaparinig niya lang na ganu'n... Biglang nag-something na *Tooot* (flat line). Tapos sinabi sa akin ng pinsan ko, wala na raw 'yung lola ko," sabi ni Empoy.
"Eh ako na po 'yung turn, ako na 'yung kakanta, ako na sa stage... Noong time na 'yon, yumuko po ako tapos sabi ko sa sarili ko, 'Lord God kayo na po ang bahala sa akin,'" kuwento ng komedyante.
Tila nahati raw ang loob ni Empoy noong mga panahong iyon.
"Alam mo 'yung nandu'n ka sa moment na nawala 'yung mahal mo sa buhay tapos nandito ka sa maraming tao. Tapos malungkot ka tapos bigla kang kailangan mong magpasaya ng maraming tao sa dome," patuloy niya.
Dagdag pa ni Empoy, "First time in my life na nangyari sa akin 'yung ganu'n. Sabi ko, hindi lang pala sa pelikula nangyayari ito."
Sa kabila ng nangyari sa kaniyang lola, ipinagpatuloy pa rin ni Empoy ang kaniyang performance dahil ika nga sa showbiz, "the show must go on."
Matapos ang show, dumiretso si Empoy sa C.R. at doon na siya humagulgol.
"Hindi ko na po napirmahan 'yung pay slip, dumiretso na ako sa sasakyan, umuwi na po ako," sabi niya.
Panoorin ang buong kuwento ni Empoy sa video ng "Share Ko Lang." --FRJ, GMA News