Tinatayang nasa tatlong toneladong nagamit na at nangangamoy na mga surgical gloves ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isang bahay sa Tanza, Cavite.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GTV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing isinagawa ng mga pulis at Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ang pagsalakay sa isang housing unit sa Wellington Subdivision sa Tres Cruses dahil na rin sa reklamo ng ilang residente tungkol sa mabahong amoy.

“Meron kang makikita talaga na, sabi nga ni doktora, parang dugo tsaka mga betadine. So talagang makita mo siya na pinaggamitan na siya,” ayon kay Menandro Dimaranan, ng Tanza-MENRO.

Enero pa raw nang napansin ng mga residente ang dinadalang mga surgical gloves sa naturang housing unit.

“Kaya ‘yung mga kapitbahay, so sa takot, eh, nagsumbong sa authority kaagad para ma-check kung ano ba talaga ‘yung nangyari,” sabi naman ni Police Lieutenant Colonel Rolando Baula, hepe ng Tanza Police.

Natuklasan din na apat na unit ang pinagtambakan ng mga gamit na mga gloves.

“Bibiruin mo apat na unit na talagang makikita mong bulto. Sa ano ko nga, sa estimate ko, mga humigit-kumulang sa tatlong tonelada,” ani Dimaranan.

Nadakip ng mga awtoridad si Ernesto Latuan at kaniyang tauhan.

“Dini-dispose lang po talaga nila,” paliwanag ni Latuan.

Sinabi rin ni Latuan na pinsan niya talaga niya ang may-ari ng mga gloves at pinakiusapan lang siyang itabi ang mga ito.

Hinala ng mga awtoridad, planong ibenta muli ang mga gloves kapag nalinisan.

“Delikado talaga. Malay mo kung may COVID ‘yun tapos anong linis ginawa. ‘Yung ibang malinis na kasi, meron siyang mga plastic na nakalagay M, L, S, ‘yung mga ganoon. Ibig sabihin pinaghihiwalay-hiwalay nila,” ayon kay Dimanaran.

Mahaharap si Latuan at ang kaniyang tauhan sa paglabag sa Republic Act 6969 na tungkol sa pagkontrol sa mga toxic substances at hazardous at nuclear waste, at RA 9003 na tungkol sa ecological solid waste act.

Hinahanap din ang mga nagdadala ng naturang basura sa bahay.--FRJ, GMA News