Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya iuutos na umalis sa West Philippine Sea (WPS) ang mga barko ng Pilipinas sa harap patuloy na agawan sa teritoryo sa naturang karagatan.
"Mga barko natin, nandiyan sa Pag-asa island... we will not move an inch, but we will not go to war with China," sabi ni Duterte sa taped message na iniere nitong Biyernes.
"May utang na loob tayo sa China. Malaki. Buhay ang naitulong nila sa atin," dagdag niya.
Bagaman hindi niya binanggit sa taped message, nagbigay ng donasyon na nasa isang milyon COVID-19 vaccine na Sinovac ang China. Bukod pa rito ang 25 milyon doses ng Sinovac na binili ng Pilipinas sa China.
Malaking bahagi ng mga bakuna na ginagamit ngayon ng Pilipinas ay galing sa China.
Hiniling ni Duterte sa China na unawain ang posisyon ng Pilipinas.
"Sana maintindihan niyo ang bayan namin. Kung hindi, magkakaroon ng problema," saad niya.
""It's not wrong to admit na inferior ka in terms of might and power. Hindi naman masama magprangka ka, ito lang talaga ang kakayanan ko. Pero huwag mo naman akong kayahin. Ngayon, hindi talaga ako aatras. Patayin mo man ako kung patayin mo ako, dito ako. Dito magtatapos ang ating pagkakaibigan," Duterte said," sabi ng pangulo.
Dagdag pa niya, "Kaya ako sabihin ko sa China ngayon, I am not ready to withdraw. I do not want a quarrel, I do not want trouble, I respect your position and you respect mine. But we will not go to war."
Nagpahayag din ng pagdududa si Duterte kung tutulungan ng United Nations ang Pilipinas na maipatupad ang legal claims ng bansa sa WPS, na naipanalo sa Permanent Court of Arbitration.
"Kailan pa ba naging useful ang United Nations? Puro papel. Hindi niyo alam eh, nasa taas kayo," aniya.
Kamakailan ay pinuna ng mga kritiko si Duterte dahil sa pagtawag nito sa desisyon ng arbitration court ruling na pabor sa Pilipinas, bilang isang piraso ng papel na itatapon niya sa basurahan.
Nitong nakaraang buwan, pumalag ang China at pinatitigil ang ginagawang pagsasanay ng mga barko ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa WPS.
Sa isang pahayag ni Muntinlupa Representative Ruffy Biazon, sinabi nito na nagagalit ang China sa gawaing ginagawa nila sa iba.
Sa harap nito, daan-daang barko ng China ang sinasabing nakakalat pa rin sa WPS, ayon sa Area Task Force - West, the National Task Force on West Philippine Sea (NTF-WPS). --FRJ, GMA News