Iniulat ng Department of Health (DOH) na dalawang kaso ng B.1.617 coronavirus variant na unang natukoy sa India ang nakapasok na sa Pilipinas. Ang naturang uri ng virus ay taglay ng dalawang OFW na dumating sa bansa mula sa Middle East pero wala silang history na nagpunta sa India.
“Nais po nating ipaalam sa publiko na tayo po ay may natukoy na dalawang kaso na may sinabing (India) variant," ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa news briefing nitong Martes.
Sinabi naman ni Dr. Alethea De Guzman, chief epidemiologist ng DOH, na gumaling na ang dalawang OFW.
Ang isang OFW ay 37-anyos na lalaki na dumating sa Pilipinas mula sa Oman noong Abril 10.
Natapos ang kaniyang isolation sa Metro Manila matapos gumaling noong April 26.
Sa repeat test na ginawa sa kaniya noong Mayo 3, negatibo na si COVID-19 at kasalukuyang nasa Soccsksargen.
Samantala, 58-anyos naman ang isa pang OFW na nanggaling naman sa United Arab Emirates noong Abril 19.
Nakalabas siya ng isolation facility sa Clark noong Mayo 6 at gumalit na rin sa virus. Kasalukuyan siyang nasa Bicol.
“When they’re tagged as recovered, they’re no longer considered infectious,” paglilinaw ni infectious disease expert Dr. Edsel Salvaña.
Sinabi naman ni De Guzman na walang close contact ang dalawa dahil kaagad silang dinala sa quarantine facility nang dumating sa Pilipinas.
Negatibo naman sa COVID-19 ang ilang kapwa nila pasahero. Pero patuloy daw nilang inaalam ang kalagayan ng mga iba pang pasahero.
Ang B.1.617 [India variant] ang ikaapat na coronavirus variant na nasa Pilipinas kasama ang United Kingdom (B.1.1.7), South Africa (B.1.351), at Brazil (P.1).
Nagkakaroon ng ibang uri ang virus dahil sa mutation nito.—FRJ, GMA News