Duguan ang mukha ng isang television cameraman dahil sa tinamong sugat matapos pagtulungan umano ng tatlo katao na kabilang sa mga nagpunta sa isang resort sa Caloocan City na ilegal na nagbukas kahit umiiral ang modified enhanced community quarantine.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Arnel Tugade, cameraman ng isang television station, na hawak niya ang camera at kinukuhanan ng video ang maraming tao na nagpunta sa resort.

Nang makita niya ang isang jeep na puno ng pasahero, sinundan niya ito at doon na nangyari ang pananakit sa kaniya.

"Nung pag-zoomed out ko  doon ko na nakita na pasugod na itong sumuntok sa akin. Hinawakan niya yung lente ng camera ko sabay na jinab [jab] sa mukha ko," ayon kay Tugade.

"Wala na akong nagawa. Bale tatlo sila," dagdag niya.

Depensa naman ni Dennis Cawigan, isa sa mga suspek, dinunggol umano ni Tugade ng camera ang kapatid niya.

Itinanggi naman ni Tugade ang alegasyon.

Una rito, iniutos na ni Caloocan Mayor Oscar Malapitan na isara ang Gubat sa Ciudad resort dahil sa ginawang pagtanggap ng mga bisita kahit MECQ pa sa Metro Manila.

Ipinapabasura na rin ng alkalde ang permit to operate ng resort at sasampahan ng kaso ang may-ari nito.

Nais naman ng Philippine National Police, na papanagutin ang barangay chairman sa lugar dahil sa pagpapabaya.

Samantala, iniutos ng Department of Health na i-quarantine ng 14 na araw ang hindi bababa sa 100 na dumagsa sa resort na kinabibilangan ng mga bata at maging mga matatanda.—FRJ, GMA News