Masakit man sa kalooban ng pamilya, wala silang magawa kung hindi ikulong si Maya sa kulungan ng mga manok para na rin sa kaniyang proteksiyon.
Dating nagtrabaho bilang kasambahay si Maya sa Saudi, Arabia. Pero nang bumalik siya sa Pilipinas ay napansin na raw ng kaniyang ama na may pagbabago na kaniyang pag-uugali.
At tuluyang na raw nagkaroon ng problema sa pag-iisip si Maya nang isilang ang bunso nitong anak.
Ngayon, mag-iisang taon nang nakakulong sa kulungan ng manok sa kanilang bayan si Antique si Maya.
Kailangan daw gawin ito ng pamilya para mapangalagaan si Maya na kung minsan ay nagiging marahas at tumatakas.
Ang nagdadala sa kaniya ng pagkain, ang kaniyang anak na walong-taong-gulang na si Lizette.
Kung minsan, itinatapon ni Maya ang pagkain na dala ng anak.
Para naman malinisan ang kulungan, sinusungkit ni Lizette ang mga basura mula sa loob para mailabas.
“Mapagmahal na anak iyan [ si Maya] tsaka magalang. Pero noong pagdating niya, naninibago na ako. Sinasaktan daw siya ng kanyang amo. Pag-uwi niya, sinabi niya sa akin na, ‘buti nga, Pa, nakauwi po ako nang buhay,’” anang ama ni Maya na si Gervacio.
Lumala raw ang kondisyon ni Maya nang pilit nitong isilang ang bunso nitong anak.
Dahil hiwalay na ngayon si Maya sa asawa, napunta sa mga kaanak ang pangangalaga sa mga anak.
Masakit para kay Gervacio ang ikulong anak anak pero wala siyang magawa.
“Wala akong magagawa dahil walang-wala din kami eh. Mabigat sa dibdib ko.Hindi ko lubos maisip kung bakit nagka-ganito yung buhay namin. Anak ko iyan, eh. Siyempre, mahal ko iyan,” saad niya.
Si Lizette, hindi mapigilan na maiyak sa kalagayan ng ina at umaasang gagaling itong muli.
Pangarap niyang makapagtapos at maging nurse para maalagaan ang kaniyang ina at iba pang maysakit.
Dahil sa kakapusan sa pera ng pamilya, hindi nila maipasuri sa doktor si Maya.
Sa tulong ng "KMJS" team, dinala si “Maya” West Visayas State University Medical Center sa Iloilo, na anim na oras ang biyahe para masuri siya.
Ano nga ba ang kondisyon ng pag-iisip ni Maya at may pag-asa pa kaya siyang gumaling upang maalagaan niya ang mapagmahal niyang anak na si Lizette? Panoorin ang episode na ito ng "KMJS." --FRJ, GMA News