Aminado ang sundalong si Christian na isa siyang "mama's boy." Kaya naman nang hindi siya nakauwi sa kaniyang ina ng isang taon dahil sa kaniyang trabaho sa pag-asikaso sa mga umuuwing OFW sa airport, naisipan niya sorpresahin ang kaniyang pinakamamahal na ina sa Gumaca, Quezon.
Bunso sa limang magkakapatid si Christian, na ayon mismo sa kaniyang nanay na si Concordia, ay sadyang malambing sa kaniya.
Madalas nga raw siyang yakapin at halikan ng anak.
Si Christian naman, sinabing tumatabi pa rin siya sa pagtulog sa kaniyang ina.
Ang kaniyang ina raw ang kaniyang hingahan ng kalungkutan tulad nang maghiwalay sila ng kaniyang nobya, na pitong taon niyang naging karelasyon at inakalang magiging kasama na niya nang habambuhay.
At nang madestino si Christian sa airport para mag-asikaso sa mga umuuwing OFW, isang taon siyang hindi umuwi sa Quezon dahil nangangamba siya na baka makapag-uwi rin ng virus.
Kaya namang nang magkaroon na ng tamang panahon para makapagbakasyon sa lalawigan at naging negatibo ang resulta ng kaniyang swab test, gumawa ng paraan si Christian para sorpresahin ang ina.
Nagkunwari si Christian na isang katrabaho lang na nakamotorsiklo ang pupunta sa Quezon at kakausapin ang kaniyang ina.
Nang makarating sa kanilang bahay, kunwaring nagpatulong si Christian sa kaniyang ina na alisin ang kaniyang helmet.
Pero kahit mata pa lang niya ang nasilayan ng ina, alam na ni Nanay Concordia na ang kaniyang malambing na anak ang kaharap niya.
Tunghayan ang nakaaantig na pagkikita ng mag-ina, at ang isa pang sorpresa ni Christian sa kaniyang nanay ngayong "Mother's Day." Panoorin sa video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
--FRJ, GMA News