Nagsisimula ang ating talino kapag natuto tayong gumalang at sumunod sa Diyos (Kawikaan 1:7)
"Ang paggalang at pagsunod sa Panginoong Diyos ay pasimula ng karunungan. Ngunit walang halaga sa mga mangmang ang aral at mga saway". (Kawikaan 1:7)
Saan nga ba nagsisimula ang karunungan ng isang tao? Ito ba ay nag-uumpisa sa loob ng paaralan hanggang sa siya ay makapagtapos ng kolehiyo, o sa loob ng tahanan sa pamamagitan ng pangaral ng ating mga magulang?
Itinuturo ng Pagbasa mula sa Kawikaan (Kaw. 1:7) na ang paggalang at pagsunod sa ating Panginoong Diyos ang pagsisimula ng ating karunungan.
Bago pa lamang tayo tumuntong sa paaralan, ang kauna-unahang leksiyon na kailangan natin matutunan sa buhay na ito ay ang paggalang at pagsunod sa ating Panginoon.
Kapag ikaw ay mayroong paggalang sa isang tao, marahil ay mahihiya kang gumawa ng kamalian sa kaniya. Lalo na kung ang dapat mong igalang ay walang iba kundi ang ating Panginoong Diyos.
Mahihiya ka nang gumawa ng mga kasalanan-- sa sarili mo man o maging sa kapuwa.
Kapag ikaw ay marunong sumunod lalo na sa iyong magulang, tiyak na hindi ka mapapariwara. Sa halip ay mapapaganda ang iyong buhay.
Ang sabi nga ng mga matatanda. "Ang mga anak na marunong sumunod at gumalang sa kaniyang magulang ay hindi kailanman maliligaw ng landas. Bagkos ay lalo pa siyang pagpapalain sa buhay".
Lahat tayo ay pinagkalooban ng karunungan ng ating Panginoon. Ngunit alalahanin natin na ang karunungang ito ay obligasyon din nating maibahagi sa iba.
Subalit mahihigitan ba ng karunungang ito ang karunungan tungkol sa pagpili ng tama at mali?
Maraming matatalinong tao sa mundo. May iba na halos malaman na ang lahat ng bagay dahil sa taglay niyang karunungan.
Subalit ang taong hindi alam kung ano ang tama at mali ay maituturing pa ring isang mangmang.
Nais ng ating Panginoon na dapat tayong magkaroon ng tunay na karunungan upang huwag tayong makagawa ng mga pagkakamali sa buhay.
Mangyayari ito kung sisimulan natin igalang at sundin ang kalooban ng ating Panginoong Diyos.
Manalangin Tayo: Panginoon naming Diyos, tulungan Mo kaming matutong gumalang at sumunod sa iyong kalooban upang huwag kaming mapariwara. Gabayan Mo kami na pagpili ng kung ano ang tama at mali. AMEN.
--FRJ, GMA News