Inihayag ni Dingdong Dantes ang kaniyang paghanga sa asawang si Marian Rivera dahil sa pag-aasikaso sa kaniya, tulad sa paghahain ng makakain.
Sa Kapuso Showbiz News, ikinuwento ni Dingdong na naging abala siya at ang kaniyang team para sa launch ng kaniyang tech-solutions start-up Dingdong PH.
“Hindi kasi ako madalas nagbe-breakfast. Nakikita niya kasi for the past two nights sobrang ngarag kami dahil marami kaming hinahanda sa website, marami kaming hinahanda sa internal systems, dito sa press con na ito, mga videos na kailangang i-present," sabi ni Dingdong.
"Nakikita niya kung gaano kami hindi lang ka-ngarag pero kundi ka-passionate sa ginagawa, and very supportive siya at pinapakita niya 'yun sa pamamagitan ng pagluluto niya,” ayon pa sa Kapuso Primetime King.
Para kay Dingdong, hindi matatawaran ang pagmamahal na ipinakikita sa kaniya ng kaniyang asawa.
"Alam mo, minsan may kaniya-kaniyang ways of showing your love. And I would just like to let you know that I appreciate that very much," ayon sa aktor.
"Siguro kung para sa kaniya ginagawa niya araw-araw 'yon, pero para sa akin 'yun 'yung isang bagay na talagang pinagpapasalamat ko araw-araw. Na hindi naman 'yung talagang dahil meron siyang hinain na masarap sa akin. But it's the fact na meron lang siyang gustong ibigay sa akin siguro para mabusog ako o sumaya ako," patuloy niya.
Kahit na alam ni Marian na walang panahon ang kaniyang asawa para mag-agahan dahil sa pagiging busy, gumagawa pa rin ang aktres ng paraan para makakain ang kaniyang mister.
"Kaninang umaga, ginawan niya ako ng breakfast, eh alam naman niyang hindi ako nagbe-breakfast. Pero sabi niya sa akin, 'Kailangan mo 'yan, kasi kailangan may laman ka sa tiyan.' Sabi ko 'Wow!' Bukod sa masarap 'yung hinanda niya, 'Actually kiss mo lang okay na, eh may ganito pa. Eh 'di wow! Thank you!'" sabi ni Dingdong.
Muling binalikan ni Dingdong na “malaking bagay” at “malaking bahagi” si Marian sa pagsisimula ng Dingdong PH, nang mag-deliver siya sa para sa flower business ni Marian.
“Because ang tunay na entrepreneur sa pamilya namin ay siya. Siya talaga ang magaling sa pagtitipid, sa pagse-save. In fact I get so many entrepreneurial tips from her, bilib na bilib ako sa kaniyang entrepreneurial skills.”
“And hindi lang sa skills na 'yan kundi sa kung paano niya dalhin ang kaniyang sarili sa Instagram, paano niya ibenta ang kaniyang mga produkto, bilib na bilib ako sa kaniya. And I must say na malaki ang inspirasyong naidulot niya sa akin kung bakit naitayo at naging ganito ang Dingdong platform,” sabi ng aktor.--FRJ, GMA News