Sinubok ang katatagan ng isang doktor matapos magkaroon ng mala-kamaong tumor sa utak at kinailangan siyang operahan. Pero kahit naapektuhan ang kaniyang memorya, ipinasa pa rin niya ang licensure exam para matupad ang pangarap niyang maging isang lisensyadong neurosurgeon.
Sa “Stories of Hope” ng GMA Public Affairs, inilahad ni Dr. Ismael Parcon Jr. o “Dr. Smile,” na nagmula sa pamilya ng mga doktor, na gusto sana niya noong kunin ang kursong nursing sa kolehiyo pero hindi siya kuwalipikado kaya kinuha niya ang kursong Information Technology.
Pero bago mag-graduate, hinikayat siya ng kaniyang ina na magmedisina, bagay na pumayag si Dr. Ismael nang walang pag-aalinlangan. Nagsilbi niyang inspirasyon ang kaniyang mga kapatid at ang kaniyang ama na mga doktor.
Hunyo 2020 nang makaranas si Dr. Ismael ng right-sided focal seizures habang nasa kaniyang internship, na kasabay din dapat ng kaniyang review para sa Physical Licensure Exam.
Nang ipa-check up sa neurologist, lumabas sa MRI na meron siyang 6 by 3 centimeters na tumor o bukol na kasing laki ng kamao sa kaliwang bahagi ng frontal lobe ng kaniyang utak, na may kinalaman sa pag-iisip, pagsasalita at memorya.
“Noong una in denial po ako, hindi po ako makapaniwala. Mangiyak-ngiyak po ako pero inisip ko na lang po na siguro sa akin ibinigay ito kasi may access kami sa health care system,” sabi ni Dr. Ismael.
“During the EOR habang pinapatulog ako, nag-leap of faith ako. Sabi ko 'Lord, your will be done.' At nakakatulog na po ako," sabi ni Dr. Ismael, na sumailalim sa open awake craniotomy, kung saan gising siya habang binubuksan ang kaniyang ulo at inaalis ang tumor sa utak.
Habang inooperahan, binibigyan si Dr. Ismael ng mga test para manatiling gising at masubok ang kaniyang neurologic functions.
Ayon kay Dr. Iris Anne Parcon, kapatid ni Dr. Ismael, nagkaroon ng memory loss si Dr. Ismael matapos ang operasyon at "oo," "hindi" at "siguro" lang ang kaya niyang sabihin.
"'Yung nangyari sa akin ay pinatawan ako ng Broca's aphasia kung saan alam ko kung ano 'yung gusto kong sabihin pero hindi ko masabi," sabi ni Dr. Ismael, matapos na madamay ang katabing mga istruktura ng kaniyang utak na responsable sa kaniyang pag-intindi ng mga salita.
Matapos ang ilang buwan, unti-unti nang bumalik ang memorya ni Dr. Smile. Disyembre 2020 nang mag-register siya para sa March 2021 Physician Licensure Exam.
“Kahit four months to go na lang at hindi pa ako nakapagre-review, hindi po ako kinakabahan dahil po sa pananalig ko sa Maykapal," sabi ni Dr. Ismael, na itinuloy ang pag-aaral at sumubok ng mga exam at napansing pataas nang pataas ang kaniyang mga score.
"May pagkakaiba po talaga sa memory ko. This time siguro nabawasan ng mga 30% compared to the memory I had before I got operated. I just gave it my best shot and expected the worst and prayed. Mahirap po talaga kasi 'yung exam," ayon pa sa doktor.
Apat na araw matapos ang huling araw ng exam, nakatanggap siya ng text mula sa kaibigan na binabati siya dahil sa magandang anunsyo na nakapasa siya.
"Sa tingin ko po pumasa po ako sa exam dahil sa pananampalataya ko sa Diyos," ani Dr. Ismael.
Ayon kay Dr. Ismael, pinangarap na niya talagang maging isang surgeon noong unang taon pa lang niya sa medisina.
Wala raw neurosurgeon sa South Cotabato kaya gusto niyang maging doktor sa kanilang bayan.
"If God permits, magiging neurosurgeon ako, matutulungan ko po 'yung mga neuropatients sa South Cotabato kasi I know how it feels to be a neuropatient because I have been a neuropatient once. I think this is my purpose in life, to inspire and share the goodness of God and how he worked in my life. Habang may buhay may pag-asa," sabi ni Dr. Ismael.
Tunghayan ang kaniyang kahanga-hangang kuwento sa “Stories of Hope.” --FRJ, GMA News