Itinuturing "superhero" ang isang railway worker sa India nang kumaripas siya ng takbo para sagipin ang isang bata na nahulog sa riles at may paparating na mabilis na tren.
Sa kuha ng CCTV, nakita ang mabilis na pagtakbo ng 30-anyos na si Mayur Shelke para maalis ang bata sa riles ilang segudo lang bago dumating ang tren.
Kasama noon ng anim na taong gulang na lalaki ang kaniyang ina na naglalakad sa platform ng Vangani station nang aksidenteng mahulog ang bata sa riles, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.
Nadinig ni Shelke ang paghingi ng saklolo ng ina kaya kumaripas siya ng takbo sa mismong riles para unahan ang paparating na tren at maiakyat niya ang bata para masagip, at isinunod ang kaniyang sarili.
Sa video ng Indian Central Railways, makikita na ilang segundo lang matapos makaakyat si Shelke ay dumating na ang Udyan Express.
"I saw the kid falling and the train speeding towards him. There was no chance he would have lived had I not intervened," sabi ni Shelke sa lumabas na ulat ng Mid-Day newspaper.
Aminado si Shelke na kinabahan siya pero wala na umanong panahon para mag-isip dahil gusto niyang iligtas ang bata.
Napag-alaman na "pointman" o taga-check ng train signal ang trabaho ni Shelke, na binansagan ng netizens na "superhero" dahil sa kaniyang ginawa.
Nangako naman si Railway Minister Piyush Goyal na makatatanggap ng parangal si Shelke sa kaniyang ginawang kabayanihan. — AFP/FRJ, GMA News