Ilang bayan sa Misamis Occidental ang balot ngayon sa takot dahil sa umano'y kulto na nangangatok sa mga bahay at pumapatay pa. Kahit pinabulaanan na ito ng pulisya, ang mga tao, hindi pa rin mapanatag.
Sa isang video, ipinakita ng isang residente ang naranasang matinding takot nang may pilit na nagbubukas ng pinto ng kaniyang bahay.
Pero nang sumaklolo na ang mga kapibahay, biglang nawala ang taong nasa likod ng pagkalampag sa kaniyang pintuan.
May katulad na insidente rin na nangyari kamakailan lang sa Ozamis City kung saan hinabol din ng mga tao ang pinaniniwalaang kulto sa gitna ng dilim.
May isang lalaki pa nga na nakuhanan ng video habang nasa itaas ng bubungan.
Pero kinalaunan, natuklasan na ang naturang lalaki ay residente rin sa lugar at umakyat lang ng bubong dahil tumutulong din siya sa paghanap sa umano'y kulto.
Dahil sa takot ng mga residente, ilan sa kanila ang naglalagay ng "pangontra" tulad ng imahen ng Sto Nino, walis tambo, asin, lampin ng bata at iba pa.
Apektado rin ang kabuhayan ng iba na hindi na makapangisda dahil sa takot.
Ang mga barangay tanod, pinaigting na rin ang pagbabantay sa kani-kanilang nasasakupan.
Ang sinasabing pinagmulan ng takot sa umano'y kulto ay ang pagkakapatay sa isang mag-ina sa bayan ng Tudela.
Pilit umanong pinasok ng mga salarin ang bahay na kubo ng mag-ina at pinagsasaksak ang mga biktima.
Ngunit ayon sa padre de pamilya ng mga biktima na si Gerwin Vacaro, hindi kulto ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen sa kaniyang mag-ina.
Panghahalay ang nakikitang motibo ni Vacaro sa ginawang pagpaslang ng mga salarin na pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad.
Bukod sa nangyari sa mag-inang Vacaro, may dalawang lalaki naman ang inaresto at may nakita sa kanilang tela na may nakasulat na tila Latin.
Pero lumitaw na ang pag-aresto at pagkakakulong ng dalawa ay walang kinalaman sa kulto at maging sa kaso ng mag-ina.
Tunghayan sa video kung bakit hindi pa rin mapanatag ang isipan ng ilang residente tungkol sa umano'y kulto. Panoorin.--FRJ, GMA News