Ang nakikita sa ating pagkatao ay repleksiyon ng nilalaman ng ating puso (Marcos 7:14-23).
May kasabihan na, "tell me who your friends are and I will tell you who you are," na patungkol sa asal ng isang tao. Pero naniniwala rin ba kayo na kung ano ang ating ikinikilos ay repleksiyon naman ng nilalaman ng ating puso?
Sa ating Mabuting Balita (Marcos 7:14-23), ipinaliwanag ni Hesus sa kaniyang mga Disipulo ang totoong nagpaparumi sa isang tao.
May mga sinusunod kasing paniniwala ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan tungkol sa mga aral na kailangang sundin pagdating sa kalinisan at mga gawa na nagpaparumi umano sa isang tao.
Sa paniniwala ng mga Judio, kailangan munang maghugas ng kamay ang mga Alagad ni Hesus bago kumain dahil ito ang kaugalian ng mga Judio na dapat nilang sundin.
Sinusunod din nila ang iba pang kaugaliang minana nila sa kanilang mga ninuno. Tulad ng paghuhugas muna ng mga pagkaing galing sa palengke bago nila ito kainin at iba pang mga turo na minana nila.
Ngunit para kay Hesus, ang lahat ng ito ay pawang kapaimbabawan lamang ng mga Pariseo at tagapagturo ng Kautusan.
Ang kanilang itinuturong kalinisan ay panglabas lamang. Sa ating Panginoon, mas higit na mahalaga ang kalinisan nasa sa loob ng isang tao--ang kaniyang puso.
Ipinahayag ni Hesus na ang totoong nagpaparumi sa tao ay hindi ang mga pagkaing na pumapasok sa kaniyang bibig o mga bagay nakikita sa panlabas, kundi ang mga pagkilos na idinidikta sa kaniyang puso.
Itinuturo sa atin ng Pagbasa na kung anoman ang ating ikinikilos--mabuti man o masama--ito ay repleksiyon ng nilalaman ng ating puso.
Hindi mahalaga sa Diyos kung tayo man ay mayaman, mahirap, may kapansanan man o wala. Sapagkat ang mahalaga para sa ating Panginoon ay ang pagsunod natin sa Kaniyang kalooban, tulad ng paggawa ng kabutihan sa kapwa.
Balutan man tayo ng kumikinang na ginto, hindi pa rin natin maitatago sa Panginoon ang ating totoong pagkatao. Dahil ang tinitingnan Niya ay kung ano ang nilalaman ng ating mga puso at hindi ang panlabas.
Manalangin Tayo: Mahal naming Panginoong Diyos, tulungan Mo po kaming makagawa ng mga bagay na kalugod-luhod sa Iyo. Batid namin na ito ang tunay Mong pinahahalagahan at hindi ang mga bagay na pakitang-tao at panlabas lamang. AMEN.
--FRJ, GMA News