Hindi itinago ni Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III ang pagkadismaya nang malaman na naturukan ng COVID-19 vaccine ang aktor na si Mark Anthony Fernandez sa Parañaque City kahit wala siya sa priority list.
“Kaninang umaga medyo napipikon nga ako dahil dito sa Parañaque may artista na binakunahan, ‘yung Mark Anthony Fernandez,” pahayag ni Densing sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Miyerkules.
“Meron tayong priority list na dapat i-implement. May programa na sinusunod diyan,” giit niya.
Sa artikulo ng PEP.ph, sinabi ni Mark Anthony na bakuna ng AstraZeneca ang itinurok sa kaniya na ginawa noong Lunes.
"Nagpaturok ako kahapon at wala siyang side effect sa akin. Lumakas pa ako," anang aktor.
Hinikayat pa ng aktor ang publiko na magpabakuna rin kapag dumating na ang mga gamot.
Ayon kay Densing, si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang may pananagutan sa nangyaring pagbakuna sa aktor na wala sa priority list.
Sa ngayon, ang mga medical frontliner ang inuunang bakunahan dahil sa limitado pa ang dumadating na gamot.
Sinubukan ng GMA News Online na makuha ang panig ni Olivarez pero wala pa siyang inilalabas na pahayag.
Nitong Martes, sinabi ni Densing na naglabas ang Department of the Interior and Local Government ng show cause orders laban sa limang alkalde na nagpaturok ng COVID-19 vaccine kahit wala rin sila sa listahan ng mga prayoridad.—FRJ, GMA News