Hinangaan ng netizens ang pagpupursigi ng isang millenial na kusinero sa barko na nakapagpatayo ng negosyo niyang gasolinahan sa Sariaya, Quezon. Ang kaniyang ama, nag-ambag din sa pamamagitan ng pagbenta ng sasakyan na napalitan niya agad ng brand new car.
Sa ulat ng GTV "State of the Nation," sinabing ang gasoline station ay katas ng pagtatrabaho ng anim na taon ng 26-anyos na si John Ebreo.
Nagbukas noong Mayo 2020 ang gasolinahan ni Ebreo kaya kahit dumating noon ang pandemya sa pag-uwi niya sa Pilipinas, may pinagkunan ng panggastos si Ebreo.
Tinulungan pa rin si Ebreo ng kaniyang mga magulang nang ibenta ng kaniyang tatay ang kaniyang sasakyan para sa ipangdagdag sa kaniyang puhunan.
Pero wala pang isang taon, napalitan na ni Ebreo ng brand new car ang sasakyan ng kaniyang tatay.
Payo ni Ebreo sa mga kabataan, huwag hayaang mapunta sa luho ang pinaghirapang pera, at sanayin ang sarili na mag-ipon at maging wais sa investment. --Jamil Santos/FRJ, GMA News