Isang lalaki sa Mindanao ang pinangalanang "Margie" dahil sa ari ng babae ang nakita sa kaniya nang isilang. Pero nang lumaki na, nagsimula nang magduda ang kaniyang mga magulang dahil ang kaniyang ari...nagiging panlalaki rin.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo Jessica Soho," sinabing bukod sa pangalang pambabae na "Margie," "female" din ang nakalagay na kasarian niya sa birth certificate.
"Sa bahay lang ako nanganak. Paglabas marami ang nagsabi na babae ang bata. Ang nakita talaga namin, ang kaniyang ari pambabae," kuwento ni Nanay Linda.
Pero sa paglaki ni "Margie," unti-unting napansin ng kaniyang pamilya na mayroon din siyang ari ng lalaki.
"May itlog! Hindi maintindihan kung ano. Nagbago ang kaniyang pagkatao. Lalaki na siya," saad pa ni nanay Linda.
Kaya naman nang binyagan ang anak, sa halip na "Margie" ay pangalan na panlalaki na "Carlo" na ang inilagay nila sa baptismal certificate nito.
Pero hindi lang sa pangalan nakadikit ang problema ni "Carlo" kung hindi maging sa kaniyang pag-ihi.
"Kasi nakita ko sa ibang lalaki na iba rin ako. 'Pag umiihi sila tumatayo pero ako, bakit ako nakaupo? Naiinggit ako sa kanila kasi 'pag umiihi ako naghahanap ako ng taguan. Pero ang mga lalaki, 'pag sila umihi diyan lang sa gilid," saad ni Carlo.
"Nalaman ko na ganito ang ari ko, kaya naisip ko na hindi pala ako normal kasi ganito ako. Wala akong boobs, hindi rin ako nireregla. Parang lalaki rin," dagdag ni Carlo, na naging tampulan ng tukso ng kaniyang mga kaklase dahil sa kakaiba niyang pag-ihi.
Naging dagdag-pasakit kay Carlo ang kaniyang kondisyon, dahil kinailangan niyang magbigay ng kopya ng birth certificate sa eksuwelahan. Ang ginagawa niya, pinapatungan niya ng Carlo ang "Margie."
Ngunit nang orihinal na kopya na ng birth certificate ang kailanganin sa high school, napilitan na siyang huminto sa pag-aaral.
"Naghinto na ako ng pag-aaral kasi alam na ng mga kaklase ko na [ari ng babae] ang dinadala ko... Baka inaasar ako nila o ipangtsismis ako sa kanila. 'Yun ang kinakatakutan ko," sabi ni Carlo, na naging problema rin ang birth certificate maging sa pag-a-apply sa trabaho.
Nang ipasuri sa eksperto si Carlo tungkol sa maselang bahagi ng kaniyang katawan, lumitaw na hindi hermaphrodite [taong may ari ng babae at lalaki] ang kaniyang kaso.
Ano bang nangyari sa ari ni Carlo at may pag-asa pa kayang maayos ito at maging ang kaniyang birth certificate? Panoorin ang video ng "KMJS." --FRJ, GMA News