Dahil umano sa pagpipigil sa pagdumi, mahinang immune system at labis na pagpapagod, nagkaroon ng acute appendicitis ang isang binata sa Bulacan at naapektuhan ang kaniyang bituka.

Sinabi ni John Paul sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" na isinagawa ang operasyon sa kaniya noong 2019, at magmula noon ay kinailangan na niyang gumamit ng colostomy bag para doon mailabas ang dumi sa kaniyang katawan.

Pero dahil umaabot sa P1,000 hanggang P1,500 ang gastos sa paglalagay niya ng colostomy bag, nag-isip sila ng paraan kung papaano sila makatitipid.

Dito na nila naisip na dugtungan ng tubo o hose ng washing machine ang kaniyang colostomy bag na tutuloy naman ang dumi patungo sa galon ng tubig.

Ang galon ng tubig, inilalagay o itinatago ni John Paul sa kaniyang bag.

Kung minsan, nagiging agaw-pansin na umano ang kaniyang bag at tinatanong siya kung ano ang laman nito dahil lagi niyang dala.

Hindi raw malaman ni John Paul kung matatawa siya o maiiyak dahil gusto niyang ipaliwanag kung ano ang laman ng kaniyang bag dahil nandidiri ang iba kapag may nakakita.

Pero may pag-asa bang maayos ang kaniyang bituka at sino ang Kapuso celebrity ang handang tumulong sa kaniya? Panoorin ang buong kuwento ni John Paul sa video na ito ng "KMJS."


--FRJ, GMA News