Isang lolo ang dumaan sa bintana ng kanilang kuwarto na nasa ikatlong palapag ng gusali para mapuntahana ang "nakulong" niyang asawa. Pero siya ang nalagay sa peligro nang mapatid ang gamit niyang tali sa China.
Sa video ng "GMA News Feed," makikita ang makapigil-hiningang pagsagip sa lolo na inabutan ng mga bumbero na nakalambitin sa bintana ng isang condo building sa Shandong Province sa China.
Base sa mga ulat, nasa labas ng kanilang kuwarto ang matandang lalaki para ayusin ang lock ng kanilang pintuan nang biglang umihip ang malakas na hangin at magsara ang pinto.
Dahil hindi mabuksan ang pinto at naiwan sa loob ang kaniyang maybahay na may sakit sa puso, nagpasya ang nag-aalalang si lolo na gumamit ng lubid at dumaan sa bintana para mapuntahan ang asawa.
Sa kasamaang-palad, biglang napatid ang lubid at naiwang nakalambitin si lolo, na mahigpit na hinahawakan ng kaniyang asawa para hindi mahulog.
Mabilis namang rumesponde ang mga bumbero na tinawagan ng mga kapitbahay.
Mula sa katabing bintana, gumawa ng paraan ang mga bumbero upang makapasok sa kuwarto ng biktima at mula doon ay hinatak papasok si lolo.
Tila nabunutan ng tinik si lola nang makitang ligtas na ang kaniyang mister. Si lolo, hindi naman napigilan na maiyak.
Dinala ang mag-asawa sa ospital at sinabi sa mga ulat na mabuti ang kanilang kalagayan--FRJ, GMA News