Lalo pang tumibay ang paniniwala ng mag-asawang Aphril at Marvin Sifiata na talagang nakapalitan sila ng sanggol ng pamilya nina Margareth at Kim Mulleno, matapos na lumabas ang DNA test ng huli na hindi nila kadugo ang sanggol na hawak nila.
Sa pagpapatuloy na pagtutok ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" sa kontrobersiyal na usaping ito ng pinaniniwalaang baby switching na naganap sa isang ospital sa Rizal, inilabas na ang resulta ng DNA test nina Margareth at ang sanggol na inaakala niyang anak niya.
Sa unang pagkakataon din, ipinakita ng dalawang pamilya sa isa't isa ang mga sanggol na pinaniniwalaan nilang mga anak nila na nagkapalitan.
Ang sanggol na hawak ng pamilya Mulleno, ngumiti pa nang ipakita sa posibleng tunay niyang mga magulang na mga Sifiata.
Gayunman, kahit lumitaw na sa mga pasusuri na hindi anak ni Aphril ang sanggol na nasa kaniyang kalinga, at hindi rin sanggol ni Margareth ang kaniyang inaalagaan, hindi pa rin basta maaaring magpalitan na lang sila ng mga bata.
Alamin kung ano pa ang proseso na kailangang pagdaanan ng dalawang pamilya para malutas na ang problema at kung anong aksyon ang gagawin ng pamilya Mulleno laban sa ospital kung saan nagsilang si Margareth. Panoorin ang video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News