Isang overseas Filipino workers sa Saudi Arabia ang sinibak sa trabaho matapos na mag-Tiktok habang suot ang uniporme ng kompanyang pinapasukan.
Nagtungo sa Philippine Overseas Labor Office (POLOs) sa Jeddah ang OFW na itinago sa pangalang "JM" para humingi ng payo kaugnay sa kaniyang sinapit.
Ayon kay JM, may nagsumbong umano sa kanilang opisina sa ginawa niyang Tiktok video habang suot ng kanilang uniporme.
Idinagdag ng OFW na hindi naman malaswa ang kaniyang pagsasayaw na ginawa niya nang magbukas ang store na kaniyang pinapasukan.
Ipinatawag daw siya sa opisina at pinabura ang video na ini-upload niya sa Tiktok.
Hindi na rin umano siya pinapasok hanggang sa sabihan siya na tinanggal na siya sa trabaho noong Huwebes.
"Monday po mga before 10:00 or 9:00 am ay nakaabot po agad sa office [ang Tiktok video]. Tinawagan po yung manager ko na burahin ko yung Tiktok ko na sayaw pagkatapos po pumunta po yung investigator sa store tapos hindi na ako nakapasok. Itong Thursday ay nalaman ko na terminated na ako," kuwento niya.
Pinaalalahanan naman ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Welfare Officer James Mendiola, ang mga OFW, lalo na ang mga nasa Saudi Arabia na maging maingat sa pagpo-post sa social media.
"We would like to remind our OFWs in Saudi Arabia that although we work only during working hours we are part of their company 24 hours a day, seven days a week," saad niya.
"And most of our employers if not all are very sensitive to impression or public images and that includes us. So our social media post and upload must agree or- be in line with the norms of the kingdom," dagdag ng opisyal.
Naging masakit na aral naman kay JM ang kaniyang sinapit at pinayuhan ang mga kapwa niya OFW na huwag na lang mag-Tiktok sa loob ng trabaho para hindi magsisi sa huli.--FRJ, GMA News