Dahil sa karamdaman, pumanaw sa edad na 36 si Imelda. At sa ikalawang gabi ng kaniyang burol, inawit sa kaniya ng mga nangungulila niyang mga anak ang paborito niyang kanta--ang "Iingatan Ka."
Ang pitong magkakapatid, edad isang taon ang pinakabata at 14-anyos ang pinakapanganay na si Ginbert.
Paborito raw ng kanilang ina ang naturang kanta at inaawit sa kanila kapag pinapatulog sila.
Kahit hirap sila sa buhay sa Calumpit sa Bulacan, hindi raw nagkulang si Imelda sa mga anak upang gampanan ang tungkulin nito bilang ina.
Ngunit nitong nakaraang Disyembre, may nakapa raw bukol sa dibdib si Imelda at kasabay ito ng kaniyang pagbubuntis.
Pero dahil sa pandemic, nag-alangan si Imelda na magpatingin agad sa duktor.
Kinalaunan naman nang masuri, hindi naman siya mabigyan ng gamot dahil sa kaniyang ipinagbubuntis.
Hanggang sa nitong Enero 30, binawian ng buhay si Imelda at ang dalawang-buwang-gulang na sanggol sa kaniyang sinapupunan.
Ang ina ni Imelda, labis ding nasaktan at nalungkot sa sinapit ng minamahal na anak.
"Masakit na nawala sa akin ang isang anak ko. Ayoko nang mawalan ng anak kasi mahal na mahal ko 'yan," sabi ng ina.
Paano nga ba ang magiging buhay ng magkakapatid? Ano ano mensahe ng mga anak sa kanilang pumanaw na inang si Imelda? Panoorin ang video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News