Makakasama nina Martin del Rosario at Liezel Lopez sina Epy Quizon at Carlo Gonzalez, bilang mga kontrabida sa inaabangang "Voltes V: Legacy."
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing si Epy ang gaganap bilang si Zuhl, ang scientist na nakatuklas ng Anti-Super Electromagnetic Device na muntik nang tumapos sa Voltes V.
Si Epy, mistulang bumalik daw ang kabataan dahil sa Voltes V.
"This is unique because it's from my childhood. Nilalaro ko 'yung Voltes V e di ba so to be part of the 'Voltes V: Legacy,' it's not just an honor. Bumalik 'yung pagkabata ko," anang batikang aktor.
Nang una raw niyang makita ang teaser ng Voltes V, inakala raw ni Epy na gawa ito sa ibang bansa.
"Actually, when I first saw the trailer, hindi ko inisip na gawa dito kaya nagulat ako nung sinabi na 'Uy, kasama ka sa Voltes V.' Sabi ko 'Ha? Filipino 'yon?' Sabi ko wow! Ang galing ng mga Filipino artists," patuloy niya.
Samantala, Carlo Gonzalez naman ang gaganap bilang si Draco, ang heneral na tatlo ang sungay na ipadadala sa mundo kasama sina Zardoz at Zandra.
Nagpahaba ng balbas si Carlo bilang paghahanda sa kaniyang karakter.
"Malaking tulong 'yung quarantine dahil talagang I don't need to go out anymore so talagang bahay lang ako. I don't have to groom it," ayon sa aktor.
Kasama sa grupo ng mga kontrabida sina Martin bilang si Prince at si Liezel Lopez na gaganap bilang si Princess Zandra.
Ang Voltes V team naman ay binubuo nina Miguel Tanfelix [Steve], Ysabel Ortega [Jamie], Radson Flores [Mark], Matt Lozano [Big Bert], at si Raphael Landicho [Little John].
Ang "Voltes V: Legacy" na mapapanood sa GMA Network ay sa direksiyon ni Mark Reyes. --FRJ, GMA News