Naging pahirapan ang pag-rescue sa mga taong naipit sa nagkapatong-patong at nagkayupi-yuping mga sasakyan na nagkarambola sa isang highway sa Texas, USA.

Sa ulat ng Reuters, sinabing nasa 70 sasakyan na kinabibilangan ng ilang naglalakihang trailer trucks ang sangkot sa karambola sa Forth Worth, Texas nitong Huwebes ng umaga.

Anim katao ang nasawi at nasa 65 iba pa ang mga nasugatan at dinala sa mga pagamutan.

Nangyari ang insidente sa nothbound  ng interstate 35 highway na papunta sa  Austin, Texas.

Ang madulas na kalsada na dulot ng pag-ulan na sinabayan ng malamig na panahon na ilang araw nang nararanasan doon ang itinuturong dahilan ng karambola.

Sa dami ng mga sasakyan na sangkot sa karambola, hindi naging madali sa rescue team na maialis sa loob ng sasakyan ang mga naipit na biktima.

Ang iba, kinailangang gamitan ng hydraulic rescue equipment para mabuksan ang mga sasakyan.

Inaasahan pa raw na magpapatuloy ang masamang panahon sa lugar hanggang sa weekend. --FRJ, GMA News