Hindi lang isa, hindi lang dalawa, hindi lang tatlo, kung hindi apat na babae ang napaibig ng isang lalaki sa Lanao del Norte at lahat ay kaniyang kinakasama.
Bagaman pumayag ang mga babae sa kinalabasan ng pakikipagrelasyon nila kay Crisanto, hindi naman naging madali ang lahat sa simula.
Katunayan, may mga pagkakataon na inilihim muna ni Crisanto ang tunay na estado niya bilang isang lalaki na may asawa na bago nabisto ng isa sa kaniyang mga kinakasama na "taken" na pala siya.
Ang isang babae naman, pumayag na magpanggap siyang "pinsan" para magkasama sila ni Crisanto sa bahay ng isa sa mga kinakasama niya.
At nang mabisto ng kinakasama ni Crisanto na hindi pala niya pinsan ang bagong kinakasama, naghalo ang balat sa tinalupan.
Sa kabila ng kaniyang sitwasyon, nagsisikap si Crisanto na maghanapbuhay bilang construction worker para may maipangtustos sa apat niyang kinakasama at 10 anak.
Kung nagagawa ni Crisanto na hatiin ang kaniyang sahod sa apat na kinakasama, papaano naman kaya niya hinahati ang kaniyang katawan at oras para sa kanila? At ano ang posibleng maging epekto sa mga bata sa naturang kalagayan ng kanilang pamilya? Panoorin ang video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho." --FRJ, GMA News