Itinampok sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong nakaraang linggo ang kuwento ng isang ina na lumitaw na hindi niya anak ang sanggol na kaniyang iniuwi batay sa resulta ng DNA test. Sa ganitong mga sitwasyon, sino nga ba ang dapat na managot?
Sa GMA News segment na "Kapuso Sa Batas" ng "Unang Hirit," ipinaliwanag ng resident lawyer na si Atty. Gabi Concepcion, na may patakaran ang mga ospital na dapat tiyakin na tama ang pagkakakilanlan ng bawat sanggol na ipinapanganak at hindi magkakaroon ng pagkakamali sa identification.
Sa kaso ng ina na itinampok sa "KMJS," inihayag niya na napansin nila na naiba ang lagay ng name tag ng sanggol nang ibigay sa kaniya, at iba rin ang pangalan na nakalagay.
Bukod pa rito, nag-iba rin daw ang hitsura ng sanggol.
Sakaling makumpirma na nagkaroon ng pagpapalit ng sanggol, sino-sino nga ba ang puwedeng pananagutin sa insidente? Panoorin ang ginawang pagtalakay sa naturang usapin sa video na ito.--FRJ, GMA News