Dahil sa COVID-19 pandemic, marami ang naging plantito at plantita pero hindi pala nagtagumpay ang lahat gaya ni John Estrada na aksidenteng "nalunod" ang kaniyang halaman dahil sa kaniyang pagiging maawain.

Sa "Mars Pa More," ikinuwento ni John at asawa niyang si Priscilla Meirelles na nagsimula ang kanilang pagiging plantito at plantita nang mag-lockdown.

"Lahat ng relationship nag-uumpisa nang maganda, 'di ba? Medyo may turbulence ito pero 'yung nangyari, meron kaming Yucca tapos sobrang in love siya sa Yucca," kuwento ni Priscilla.

Pinaalalahan naman daw sila ng pinagbilhan nila ng halaman na dinidiligan lamang ang Yucca plant kapag tuyong-tuyo na ang lupa nito.

"Everyday 'pag gising ko tinitingnan ko. Parang gusto kong diligan," sabi ni John.

"Eh ako, parang naaawa ako, sabi ko 'Parang kulang sa tubig ito ah,'" pagpapatuloy ng aktor.

Hanggang sa napadalas na ang pagdilig ni John sa Yucca plant.

"Every two, three days, [lalagyan] niya ng tubig. Tapos matubig 'yung buong plant, namatay," ayon kay Priscilla.

Labis daw itong ikinalungkot ni John.

"Sabi ko kasi, 'Ikaw huwag mong pansinin, hindi ka plantito... Huwag mo nang pansinin 'yung plant.' Kasi araw-araw matanong siya. 'Okay ba? Bakit ganiyan ang tubig, baka dry 'yan? Baka mamatay?'" muling kuwento ni Priscilla.

"In short, sumobra sa tubig, patay agad," ayon pa sa beauty queen.

Biro naman John: "Kaya tama si Iya (Villania), dapat plastic na lang siguro 'yung plants na gagamitin."--FRJ, GMA News