Simula ngayong Pebrero, ipinatutupad na ang Child Safety in Motor Vehicles Act na nagtatakda na kailangang nakaupo ang mga batang 12-anyos at pababa sa child restraint systems (CRS) o car seats. Anu-ano nga ba ang mga klase ng car seat na maaaring gamitin para sa iba't ibang edad ng mga bata?

Sa GMA news "Unang Hirit," ipinaliwanag ni Arnel Bascara ng Giant Carrier, na angkop dapat sa edad at bigat ng bata ang car seat na gagamitin. Tiyakin ang safety features nito tulad ng buckle, cushions at boosters.

Aprubado rin dapat ang mga car seat sa Department of Trade and Industry (DTI) at pumasa sa international standards.

Ang mga car seat para sa edad anim hanggang 12-anyos, maaari nang alisin ang back rest at gamitin na lang ang booster na siyang safety gear at konektado sa safety belt ng sasakyan.

Para naman sa mga sanggol na wala pang isang buwan hanggang anim na buwang gulang, kailangang nakaharap ang car seat sa rear at konektado sa belt ng sasakyan. Maaari ding maging carrier ang mga car seat na ito.

Mas malaki naman na car seat ang para sa mga edad apat hanggang limang taong gulang.

Ang mga car seat na nasa merkado ay nagkakahalaga ng P2,700 hanggang P6,300. Panoorin ang buong panayam para sa iba pang detalye.--FRJ, GMA News