Mapalad tayo dahil si Kristo mismo ang tumawag sa atin para maglingkod sa Kaniya (Mk. 1:14-20).

KAPAG mayroong talent search ang mga TV Network, sobrang haba ng pila dahil marami ang gustong sumali at mag-artista. Subalit marami rin sa kanila ang hindi napipili at umuuwing luhaan.

Sa ating Ebanghelyo (Marcos 1:14-20), hindi na kailangan pang pumila at mag-apply para maging Disipulo ng ating Panginoong Hesus katulad ng paghahalintulad natin sa talent search.

Sapagkat si Hesus na mismo ang pumili ng Kaniyang magiging Alagad habang Siya ay naglalakad sa tabi ng dagat ng Galilea.

Ngunit hindi mga bigatin, propesyunal at titulado ang mga napili ni Hesus para maging disipulo Niya kung hindi mga mangingisda na walang nalalaman sa pangangaral ng Salita ng Diyos, panggagamot at pagpapalayas ng mga demonyo.

Bakit nga ba sila ang pinili ni Hesus? Bakit mga mangingisda sa halip na mga Paring Judio, mga mangangaral o kaya naman ay taong relihiyoso.

Sa Ebanghelyo, inanyayahan ni Hesus si Pedro, kapatid nitong si Andres, gayundin sa magkapatid na Santiago at Juan, na sumunod sa Kaniya para mamalakaya ng mga tao.

Napakasimple lamang ng pamantayan ni Hesus sa pagpili ng Kaniyang makakatuwang sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos.

Hindi Niya tinitingnan ang kalagayan, katayuan sa buhay at hitsura ng mga taong napili Niya. Ang tiningnan Niya ay ang laman ng kanilang puso at kababaan ng loob.

Pinagkatiwalaan sila ng ating Panginoon at mayroon Siyang nakita kina Pedro na mga katangian na wala sa iba.

May magandang plano para sa kanila si Hesus kaya naman nagpaubaya sila sa kagustuhan ni Kristo at sumunod sila sa Kaniya nang walang pag-aalinlangan o pagdududa.

Sa ating pananaw ay maaaring hindi sila karapat dapat p kaya ay may kulang sa kanila. Pero ang kakulangang ito'y pinunan ni Kristo at ang hindi karapat-dapat para sa atin ay ginawa Niyang karapat- dapat para sa Kaharian ng Diyos.

Huwag din nating sayangin ang magandang pagkakataon sakaling tinatawag tayo ni Hesu-Kristo para maglingkod sa Kaniya. Sapagkat hindi lahat ay tinawag ng Diyos.

Nangangailangan pa ba ng kongkretong paliwanag ang pagtawag sa atin ng Panginoong Hesus? Dahil kung magkakagayon, mistulang kinukuwestiyon natin ang Kaniyang kalooban.

Ang paanyaya ng ating Panginoon para maglingkod sa Kaniya ay hindi lamang nakasentro sa pagiging isang Alagad Niya. Kasama rito ang ating mga talento, abilidad at kakayahan para mapagsilbihan ang ating kapwa.

Nais ni Hesus na gamitin natin ang ating talento para mapaglingkuran ang ating kapwa. At ang buhay natin na maka-Diyos ang maging matibay na testamento para sa iba na buhay at totoo ang Diyos. Sapagkat isinasabuhay natin ang Kaniyang mga Salita.

MANALANGIN TAYO: Panginoong Hesus, tulad ng mga alagad Mo,  nagpapasalamat po kami sa Inyong pagtitiwala at pagtawag sa amin para maglingkod sa Iyo kahit hindi kami karapat-dapat. Makakaasa po Kayo na hindi po namin sasayangin ang magandang pagkakataon na ibinigay Mo sa amin. AMEN.

--FRJ, GMA News