"Now you see him, now you don't," ang modus ng isang kawatan na umo-order ng mga mamahaling cellphone sa online seller. Kapag dumating na ang produkto, magdadahilan ang kawatan para makaalis tangay na ang cellphone.
Pero hindi na makapambibiktimang muli ang suspek na si Niño Maranan Bautista, matapos siyang masakote sa entrapment operation na isinagawa ng mga awtoridad sa Mandaluyong City.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, ipinakita ang video sa isinagawang entrapment kay Bautista na biglang umalis matapos tanggapin ang inorder na cellphone na inihatid ng undercover agent na nagpanggap na delivery man.
Ang hindi alam ni Bautista, may iba pang naghihintay sa kaniyang operatiba kaya wala na siyang kawala. Nadakip din ang kaniyang kasabwat na si Malawi Panindigan.
Sa sumbong biktima, napag-alaman na dati nang umorder sa kaniya ng cellphone si Bautista na nagkakahalaga ng P68,000.
Nagbigay daw ng address si Bautista ng bahay na ipinapagawa at ipinagmalaki sa naghatid na biktima na sa kaniya iyon.
“‘Di lumabas po siya, pinag-buksan niya po ako ng gate. Pagpasok po namin tinuturo po niya ‘yung mga kalapit-bahay na malalaki na ‘bahay ko 'to, bahay ko ‘yan’,” kuwento ng biktima.
Nang magbabayad na, nagkunwari daw si Bautista na tatawagin ang kapatid at saka umalis tangay ang cellphone.
Pero lumipas ang ilang minuto ay hindi pa rin bumabalik si Bautista kaya nagtanong na ang biktima sa mga trabahador sa ginagawang bahay.
“Sabi po nu’ng nagtratrabaho hindi daw po nila kilala. Nag-inquire lang po ng bahay. Doon na po ako nanlumo na, wala na po, nakuha na po yung cellphone,” anang biktima.
Ayon kay Mandaluyong Police chief Police Lieutenant Colonel Gauvin Unos, naisagawa ang entrapment operation laban kay Bautista nang umorder muli ang suspek ng cellphone sa kaniyang biniktima na mayroon palang ibang Facebook page na ginagamit.
“’Yung unang Facebook page doon siya nabiktima. Nu’ng pagbukas niya sa pangalawang Facebook page niya, nag-order ulit ‘yung buyer na ‘yon. Akala niya na makaisa ulit siya,” sabi ni Unos.
Bagsak-presyo umano kung ibenta ni Bautista ang mga naitatakas na cellphone at maraming beses na raw niya itong ginawa para may ipangkain.
“Sa akin pumupunta. Tapos kasi wala akong pera, kumukuha rin ako ng bayad para, ano, ibenta, ganon. Namo-morsyento lang ako kumbaga,” ayon kay Panindigan.
Nagpaalala naman si Unos sa mga online seller na maging maingat at tiyakin na lehitimo ang mga umoorder sa kanilang mga produkto.--FRJ, GMA News