Nagpaliwanag si Willie Revillame at humingi ng paumanhin sa mga tao na nagpunta sa Wil Tower sa Quezon City para makita at mabati siya sa kaniyang ika-60 kaarawan pero hindi niya napaunlakan. Binatikos din niya ang nagpakalat ng fake news na mamimigay siya ng pera sa kaniyang kaarawan.
Sa "Wowowin" nitong Huwebes, sinabi ni Kuya Wil na bago pa man ang kaniyang kaarawan nitong Miyerkules, nag-abiso na siyang bawal ang pumunta sa Wil Tower dahil sa pandemya.
Ngunit sa kabila nito, dumagsa pa rin ang mga tao para makita ang "Wowowin" host at humingi ng tulong sa kaniya.
"Siyempre hindi mo naman matitiis 'yan dahil nandiyan sila, bumabati naman ng birthday mo. Pero kaya lang may sinusunod tayong batas," paliwanag ni Kuya Wil.
"Humihingi ako ng kapatawaran, pasensya sa inyo, sa pag-unawa dahil alam niyo naman po na kailangang sumunod tayo sa batas, 'yung social distancing," dagdag niya.
Ayon kay Willie, hindi siya pinahintulutan ng mga awtoridad na makasalamuha ang mga bumisita sa kaniya.
"Alam ko pong gusto niyo akong mabati, gusto ko nga kayong mapuntahan sana pero hindi ako puwedeng bumaba. I'm sorry dahil pinigilan po ako ng mga pulis dahil baka may mangyari pang hindi maganda, so iniwasan na po 'yan," pahayag ng TV host.
Hindi na rin naman daw kailangang bumiyahe pa ang mga tao dahil ginawa na ang programang "Tutok-To-Win" kung saan pupuwede silang manalo kahit nakatutok lang sila sa kani-kanilang mga tahanan.
Nagpasalamat naman si Willie kay Quezon City Mayor Joy Belmonte at sa pamahalaang lungsod sa pagpapadala ng mga ambulansya at pulisya para makontrol ang mga tao.
"Humihingi ako ng paumanhin sa mga nagpunta rito. Sa mga nanay, lola, o kaya mga binata, mga dalaga, may mga anak pang sanggol at meron pang mga kariton... Pasensya na kayo, hindi ito ang panahon... Hindi ko ipinagdadamot ang oras na puwede ko kayong makasama't mayakap. Sa totoo lang nakahanda akong bumaba, pero pinagsabihan ko ako na hindi pupuwede," ayon kay Kuya Wil.
Nangako naman ang Wowowin host na maghahanda siya ng isang malakihang selebrasyon kapag natapos na ang COVID-19 pandemic at puwede na ulit ang mass gathering.
"Huwag kayong mag-alala, ito ang pangako ko sa inyong lahat: Once na matapos itong pandemya na ito at pupuwede na tayong magsama-sama ulit, makikiusap ako, kung hindi man dito sa Quezon City, maaaring sa Maynila, maaaring sa MOA, maaaring sa Araneta, siguro mas maganda sa open, sa Luneta, gagawa ako ng programang handog para sa inyo, isang selebrasyon. Kaya ipagdasal natin na matapos na ho itong pinagdadaanan natin," pangako ni Kuya Wil.
Binatikos din ng Wowowin host ang mga gumagawa ng "fake news" at nag-anunsyo sa social media na mamimigay siya ng pera sa kaniyang kaarawan.
"Huwag na ho kayong gumagawa ng fake news, kawawa naman ang ating mga kababayan. Galing ho ng iba't ibang lugar, wala raw silang pamasahe, paano mong bibigyan ho 'yan? 'Pag binigyan mo isa, bibigyan mo 'yung 4,000 na 'yan, mahirap baka magkaproblema pa," sabi ni Kuya Wil.
"Hindi ko kayo pinabayaan, huwag niyo isipin na pinabayaan kayo, na hindi ko kayo binaba. Iningatan ko po kayong lahat. Kasi pagbaba ko diyan sigurado magkakagulo tayo, baka magkaroon na naman tayo ng problema," aniya.
Mayor Belmonte
Sa pulong balitaan nitong Huwebes, sinabi ni Mayor Belmonte na nauna nang humingi sa kaniya ng payo at tulong si Kuya Wil dahil sa pangamba ng TV host na baka may mga tao na magpunta sa Wil Tower para batiin siya sa kaniyang kaarawan at humingi ng tulong.
"Prior to yesterday's event [Miyerkules], he called me up to tell me he was apprehensive because it is his custom that whenever it is his birthday, people will come and visit him because he also gives assistance to the indigent members of society. He was worried," anang alkalde.
Kaya naman nagkaroon umano ng koordinasyon ang Department of Public Order and Safety ng lungsod at pulisya para makontrol ang mga tao kapag dumagsa.
Hinihintay pa umano ng alkalde ang ulat kung totoo na nagkaroon ng paglabag sa health protocols at nais din niyang madinig ang panig ng mga awtoridad na nakatalaga sa lugar.--FRJ, GMA News