Sa mga grupo na pinili ng pamahalaan ng Indonesia na unang maturukan ng COVID-19 vaccines, isang grupo ang agaw-pansin--ang mga social media influencer. Bakit nga ba?
Sa ulat ng Reuters, sinabing sinimulan ng Indonesia nitong Miyerkules ang kanilang vaccination drive na panlaban sa nakamamatay na virus.
Kabilang sa mga unang nabakunahan ay si President Joko Widodo, at maging ang Indonesian television at social media personality na si Raffi Ahmad.
Mayroong halos 50 million followers sa Instagram si Ahmad, 33-anyos.
“Alhamdulillah [Praise be to God] a vaccine ... Don’t be afraid of vaccines,” sabi sa caption ni Ahmad sa kaniyang video habang tumatanggap ng bakuna.
Sabi pa sa ulat, malaking pagsubok sa maraming bansa ang pagpili kung sino ang mga dapat na unang tumanggap ng bakuna, maliban sa mga itinuturing peligroso sa virus tulad ng mga medical frontliner at nakatatanda.
Pero paliwanag ng senior health ministry official ng Indonesia na si Siti Nadia Tarmizi, sinadya nila na makasama sa grupo ng prayoridad ang mga "influencer," kasama ang halos 1.5 million healthcare workers sa unang round ng pagbabakuna.
Bahagi raw ito ng communications strategy ng pamahalaan.
Kabilang ang Indonesian sa mga nangunguna sa mundo sa paggamit ng social media platforms tulad ng Facebook, Twitter at Instagram.
Nasa mahigit 869,000 cases na ang positibong kaso ng COVID-19 sa Indonesia at 25,000 ang nasawi.
Pero marami umano sa mga mamamayan nito ang may agam-agam na magpabakuna dahil may pagdududa sa bisa at kung ligtas, bukod pa sa kung "halal" ito o pinapayagan sa Islam.
Hindi binanggit ng health ministry ng Indonesia kung ilang social media influencer ang kasama sa prayoridad na mabakuhan pero nakatakda na rin daw na mabigyan ng COVID-19 vaccine ang musician na si Ariel, ng bandang Noah, at Risa Saraswati.
Sinabi naman sa Reuters ni Ahyani Raksanagara, pinuno ng health agency ng Bandung, na umaasa siya na makatutulong ang paggamit ng mga kilalang personalidad na makapaghatid ng positibong mensahe tungkol sa bakuna, lalo na sa mga kabataan.
Sa isang survey noong nakaraang buwan, 37% ng Indonesians ang handang magpabakuna, 40% ang ikinukonsidera na magpabakuna, at 17% ang ayaw.
Gayunman, nagkaroon ng kontrobersiya tungkol kay Ahmad nang lumabas ang larawan nito na nasa party ilang oras matapos siyang mabigyan ng bakuna--na hindi naman kaagad nagkakabisa para magkaroon siya ng panlaban sa virus.
Dinagsa ng puna ang naturang larawan nang makita ang Ahmad na walang face mask at hindi sumusunod sa social distancing protocols kasama ang grupo ng mga kaibigan.
“It also shows the government is inconsistent in prioritising who gets the vaccine first,” ani Irma Hidayana, cofounder ng pandemic data initiative LaporCOVID-19, “They should’ve done it with another health worker, maybe, not an influencer.”
Paalala naman ni Tarmizi, “when you’re vaccinated, you still have to abide by health protocols and not be careless in enforcing them”.
Humingi na ng paumanhin si Ahmad, habang iniimbestigahan ng pulisya kung may nilabag siyang batas.--Reuters/FRJ, GMA News