Sa kabila ng ilang health benefits na naidudulot ng virgin coconut oil o VCO, hindi pa muna ito inirekomenda ng Department of Health (DOH) bilang gamot sa COVID-19. Ano nga ba ang mga maganda at hindi magandang maidududlot ng VCO?
Sa "Pinoy MD," sinabing wala pang isinasagawang malawakang pag-aaral sa bisa ng VCO bilang lunas sa anumang uri ng sakit.
Noong 2012, lumabas sa isang pag-aaral ng University of Santo Tomas na mabuting pangontra sa sakit sa puso at stroke ang VCO.
Ngunit sinabi naman ng American Heart Association na nakapagpapataas ng bad cholesterol ang VCO kaya hindi ito makabubuti sa puso.
Ayon kay Dr. Allan Gumatay, cardiologist sa Manila Doctors Hospital, sa mga hayop pa lang ginagawa ang mga pag-aaral tungkol sa VCO kaya hindi pa ito magagamit sa tao.
"'Yung mga tao ang ginamit, usually 20, 30 tao, ang hirap gamitin siya na ige-generalize mo na beneficial para sa lahat or nakasasama para sa lahat," saad niya.
"Pero kung ibabalanse niyo 'yung epekto ng dalawa, mas nakahihigit 'yung pagtaas ng bad cholesterol kaysa pag-angat ng good cholesterol. So at the end of the day, mas pangit 'yung epekto niya, hindi siya halos makakatulong para sa kalusugan," dagdag pa ni Dr. Gumatay.
Bukod dito, mataas din umano ang saturated fat ng VCO, kaya magiging mapanganib ito kung masosobrahan ng pagkonsumo ng isang tao.
Kaya maiging samahan ng mga pagkaing mayaman sa Omega 3 ang pagkonsumo ng VCO, tulad ng bangus.
Noong nakaraang taon, gumawa ng pag-aaral ang Department of Science and Technology tungkol sa VCO bilang tulong sa paggamot sa mga sintomas ng COVID-19. Matapos ang 18 araw, humupa ang mga sintomas ng mga nabigyan ng VCO.
Gayunman, hindi pa rin ito inirekomenda ng DOH bilang gamot sa COVID-19.
"Maganda ang mga resulta ngunit hindi pa 'yun enough para magkaroon tayo ng sapat na ebidensya para sabihin natin na talagang ito ay kailangan at maaari nang gamitin against COVID-19 at makakatulong ito," sabi ni undersecretary Maria Rosario Vergeire ng DOH. --FRJ, GMA News