Isa ang anak ng singer na si Claire dela Fuente na si Gregorio Angelo Rafael de Guzman, sa mga suspek sa pagkamatay ng 23-anyos na si Christine Dacera. Pero naniniwala si Claire na inosente ang kaniyang anak.
Sa panayam ni Emil Sumangil sa GMA News, sinabi ni Angelo na kasama siya sa grupo na nag-party sa isang hotel sa Makati, na kinabibilangan ng mga flight attendant katulad ni Christine.
Pero unang pagkakataon daw niyang nakilala si Christine at nandoon siya dahil may mga kaibigan din siyang flight attendant.
Gayunman, nauna umano siyang natulog at kinaumagahan na niya nalaman na may nangyari sa biktima.
Sinubukan daw nilang isalba si Dacera at siya pa mismo ang nag-CPR sa biktima.
"Chineck ko 'yung ilong niya, ginanu'n ko kung may air na lumalabas, wala. Tapos chineck ko kung may heartbeat siya, wala rin. Sabi ko Tin, Tin gising na, gising na, please? Tapos inumpisahan kong mag-CPR. Tapos sa isip ko, bakit ayaw niyang gumising?," sabi ni Angelo.
"Malambot pa siya. Naalala ko nu'ng binuhat namin siya gamit 'yung kamay niya, 'yung arms niya palabas ng tub, warm pa siya. Kaya akala ko mase-save ko pa siya," dagdag niya.
Taliwas sa mga lumalabas na ulat na iniwan nila si Christine, sinabi ni Angelo na sumama pa sila sa ospital at maging sa police station.
Itinanggi rin niya ang paratang ng panggagahasa sa biktima.
"Absurd po. Paano naging rape, bakla po ako? Never po akong nakipagtalik sa babae, ever in my life," giit niya.
Naniniwala naman si Claire sa sinabi ng anak dahil tumawag pa raw ito sa kaniya nang matuklasan ang nangyari kay Christine.
"Wala ho kaming tinatago, and I believe my son kasi tinawagan niya ako noon eh, sabi niya 'Ma may situation dito, parang patay na yata 'yung girl dito,'" ayon kay Claire.
"Bakla 'yung anak ko eh, ang hirap i-admit pero alam ko 'yun matagal na, bata pa siya. Kaya lang nagpapakadisente siya," sabi pa ng mang-aawit.
Nanawagan si Claire na maging patas ang imbestigasyon sa nangyari kay Christine dahil sila man ay nais na mabigyan ng hustisya ang biktima.
"Sana maging fair lang ang laban. Nag-e-expect kami na sana may fair play dito, we're seeking justice too for Tin," dagdag ni Claire.
Sa 11 na itinuturing suspek sa nangyari kay Christine, tatlo pa lang ang nadarakip.--Jamil Santos/FRJ, GMA News